Sikreto sa tumitibay na relasyon nina James at Nadine: Kailangan lang may tiwala kayo sa isa’t isa…
IBINAHAGI ni Nadine Lustre sa madlang pipol ang isa sa mga sikreto nila ni James Reid para mapanatili ang kilig at maayos na pagsasama ng dalawang taong nagmamahalan.
Sa gitna ng iskandalong kinasasangkutan nina Bea Alonzo, Gerald Anderson at Julia Barretto marami naman ang pumupuri kina James at Nadine dahil bukod sa umaariba pa rin ngayon ang kanilang mga career, tahimik lang at walang masyadong intriga ang kanilang relasyon.
Sa nakaraang premiere night ng latest movie ni Nadine, ang “Indak” opposite Sam Concepcion under Viva Films, natanong ang dalaga kung ano ang sikreto sa ilang taon na nilang pagsasama ni James bilang magdyowa.
“Communication, trust. Kailangan may tiwala kayo sa isa’t isa yun lang naman, communication,” ang tugon ng dalaga. Aniya, kailangang pag-usapan talaga ng magkarelasyon kung may problema para hindi na ito lumala.
Dagdag pa ni Nadine, isa sa mahalagang lesson na natutunan niya sa ilang taon na nilang pagsasama ni James ang constant communication ng mag-partner.
“Yun ang pinakamahalaga kong natutunan sa relationship ko with James, kahit ano pa ang nararamdaman mo kahit nakakahiya, kailangan sinasabi mo talaga. Hindi naman pwede nang huhula na lang ang partner mo palagi,” aniya.
In fairness, talagang suportado ni James ang lahat ng mga projects ni Nadine. Sinamahan pa niya ito sa premiere night ng “Indak” kahit na hindi siya ang partner ng award-winning actress sa pelikula. Kaibigan din daw kasi ng hunk actor-singer si Sam kaya all-out din ang support niya sa pelikula.
Napanood na namin ang “Indak” at siguradong mag-eenjoy ang mga manonood sa movie na idinirek ni Paul Basinillo. Para ka na ring nanood ng isang dance-musicale mula sa Hollywood dahil sa ganda ng production at kuwento nito.
Hindi rin kayo mabibigo sa galing nina Nadine at Sam sa pelikula na talagang hataw kung hataw ang ginawang pagsasayaw, lalo na nang makipag-showdown na sila sa world dance competition kung saan nakalaban nila ang magagaling na Koreans.
Kasama rin sa movie sina Yayo Aguila, Vito Marquez, Race Matias (anak ni Herbert Bautista) at ang magagaling na members ng G-Force. Showing na ngayon ang “Indak” sa mga sinehan nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.