MAY mga naninigarilyo na nag-shift sa paggamit ng vape o e-cigarette, sa pag-aakalang ligtas itong gamitin.
Safe nga ba?
Isang malaking hindi ang sagot ng World Health Organization.
Ayon sa WHO, ang electronic cigarette ay walang ipinagkaiba sa sigarilyo na parehong mapanganib sa kalusugan ng tao.
Hindi rin umano totoo na nakatutulong ang paggamit ng vape sa mga tao na gusto nang umalis sa paninigarilyo dahil mayroon din itong taglay na toxin.
May mga ulat din umano na nagsasabi na umalis na sa paniniga-rilyo ang mga gumamit ng vape. Kung minsan ay pinagpapalit-palit lang ito ng user.
Ayon sa WHO, wala pang malinaw na pag-aaral na nagsasabi na ang electronic nicotine delivery systems ay mas safe kumpara sa sigarilyo kaya inirerekomenda nito sa iba’t ibang gobyerno na maglatag ng regulasyon sa paggamit nito.
Dahil sa mga kampanya umano laban sa sigarilyo mayroong mga kompanya ng tabako na gumagawa na rin ng e-cigarette at heated tobacco products para makakuha ng mga bagong kustomer.
May mga pag-aaral na nagsasabi na nakakaapekto ang paninigarilyo sa magiging anak ng isang lalaki.
Naaapektuhan umano ng sigarilyo ang semilya ng lalaki at nakikita ito sa magiging anak nitong lalaki.
Gaya umano ng ibang produkto, pinalalabas na mas safe ang e-cigarette kumpara sa tradisyonal na sigarilyo.
Pero ayon sa WHO ang mga ‘misinformation’ na pinakakalat kaugnay ng e-cigarette ay nagiging isang banta hindi lamang sa mga gumagamit nito kundi maging sa mga taong nakapaligid sa kanila na nakakasinghot ng usok nito.
Dumarami na ang bansa na naglalagay ng restriction sa paggamit ng e-cigarette. Kamakailan ay ipinagbabawal na sa San Francisco ang pagbebenta at paggawa ng e-cigarette.
Mayroon na ring ginagawang hakbang ang China laban sa e-cigarette.
Nananatili naman umanong mababa ang bilang ng mga lugar na tumutulong sa mga tao upang makawala sa paninigarilyo. Tanging 30 porsyento lamang ng tao sa mundo ang mayroong access sa tobacco cessation services gaya ng counseling, telephone hotlines at medication.
Sa mga hindi umano nabibigyan ng tulong, tanging apat na porsyento lamang ang humihinto sa paninigarilyo.
Sa datos ng WHO, walong milyong katao ang namamatay taon-taon kaugnay ng epekto ng paninigarilyo.
Sa Kamara, may mga panukalang inihain upang iregulate ang vape.
Ayon kay Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon hinahaluan ng nicotine ang mga ‘juice’ na inilalagay sa vape kaya nananatili itong addictive.
“While there maybe vapors or scented aroma instead of smoke or foul odor so to speak of, the telltale effects of vaping ang use of e-cigarettes are nonetheless the same as cigar or cigarette smoking.”
Sa ilalim ng House bill 40 ipagbabawal ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
Ang Food and Drugs Administration ay inaatasan din na mag-regulate sa pagbebenta ng e-liquids o e-juice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.