Mga suspek sa panloloob ng Metrobank iniugnay sa ‘Parojinog group’ | Bandera

Mga suspek sa panloloob ng Metrobank iniugnay sa ‘Parojinog group’

- July 15, 2019 - 06:40 PM

PINANGALANAN ng Manila Police District (MPD) ang limang katao na umano’y sangkot sa panghoholdap sa sangay ng Metrobank sa Binondo noong isang linggo.

Isinapubliko ni MPD chief Brig. Gen. Vicente Danao ang mga litrato ng mga suspek sa isang press conference sa Manila City Hall ngayong araw.

Idinagdag ni Danao na positibong itinuro ng mga testigo ang limang suspek.

Kinilala ng pulisya ang unang suspek na si Gilcar Dumagan Mofan alyas Jing Mofan. Sinabi ng pulisya na wanted si Mofan sa kasong murder.

“Siya po ‘yung unang pumasok sa pintuan (ng bangko),” sabi ni Danao.

Pinangalanan naman ang isa pang suspek bilang Noli Bonifacio Casuela alyas Lito Dapitan, na ayon kay Danao, ay ang pangalawang pumasok sa loob ng bangko.

Samantala, kinilala ni Danao ang ikatlong suspek na si bilang Marlon “Ailon” Parojinog.

“He’s actually the leader of the group. Wanted din ito, the same case: Robbery. Maraming kaso,” sabi ni Danao.

Bukod sa tatlo, kabilang din sa mga pinangalanan ay si “Michael” na may alyas na “Pilay” at “Batang Calunod,” at si Frederex B. Secretario.

Ayon kay Danao, bahagi ang mga suspek ng notoryus na grupo na sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Sinabi ni Danao na konektado ang lima sa mga Parojinog ng Ozamiz City.

“Ang kanilang sub-leader si Noli Bonifacio Casuela. Kung minsan po pinapangalanan nila ‘yung grupo nila na Parojinog group kung minsan naman, Bonifacio group,” ayon pa kay Danao.

“It has been known before pa, even before my assignment sa NCR (National Capital Region), na talagang this group…iba-ibang tao lang ang ginagamit pero iisang grupo lang ‘yung kanilang pangalan. Matagal na itong ganitong klase ng trabaho ang ginagawa. Kung hindi bangko, ‘yung mga ‘martilyo’ gang. Different areas po ‘yung kanilang area of operation,” sabi pa ni danao.

Sinabi ni Danao na posibleng ang grupo din ang nasa likod ng panloloob ng isang sangay ng Metrobank sa Cagayan noong isang linggo.

“The same syndicate in a way [doon sa] Metrobank in Cagayan. Kasi they have the same modus operandi, na-identify nga po doon according to sources, the same names ‘yung lumalabas, the same style. Lima din ‘yung tumira dun sa Cagayan last year,” paliwanag ni Danao.

Samantala, hindi pa rin isinasapuliko ang kabuuang halaga ng natangay na pera mula sa bangko.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending