Maling schedule ng water interruption ng Maynilad ayusin
DAHIL sa critical level ng Angat Dam, maging ang mga customers na sineserbisyuhan ng Maynilad Water Services, Inc. ay apektado na rin ng daily water interruptions bagamat ang sakit ng ulo ay ang mali-maling ibinibigay na advisory para sa water interruptions.
Dapat ay atasan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Maynilad na tiyaking nasusunod ang water interruption schedule na inilabas nito.
Kung hindi makasunod ang Maynilad sa ibinibigay na advisory, dapat ay papanagutin man lang ng MWSS.
Wala na ngang magawa ang mga residente sa ipinapatupad na water cutoff, nagdudulot pa ito ng hindi kinakailang stress sa panig ng mga Maynilad customers.
Magkaiba ang ipinalabas na water interruption advisory sa aktuwal na pagkawala ng tubig.
Kagaya sa pinakahuling advisory ng Maynilad sa official Facebook page nito para sa Hulyo 15, Martes, nakalagay sa advisory na ilang residente ang makakaranas ng water cutoff mula alas-4 ng umaga hanggang ala-1 ng umaga kinabukas o 21 oras o halos isang araw.
Sa nakalipas na mga araw, hindi naman tumatama ang ipinopost na schedule ng Maynilad sa officie Facebook page nito.
Dahil sa ganitong sistema ng Maynilad, walang magawa ang mga apektadong residente na mag-ipon na lang at paghandaan lagi ang service cutoff nang hindi umaasa sa iskedyul na ibinibigay ng Maynilad.
Ano ang silbi ng abiso kung umaasa pa rin ang mga customer sa kanilang sariling diskarte para matiyak na lagi silang handa sa anumang oras ang water interruptions.
Dapat ay mag-usap ang mga tao na nakatalaga para sa pagpapatupad ng water interruption at ang mga personnel nito sa social media at corporate communication para tama ang inilalabas na impormasyon.
Hanggang may problema ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay asahan na ng mga consumers na magpapatuloy ang water interruption pero responsibilidad ng Maynilad na tiyakin na tama man lang ang iskedyul nito ng water cutoff sa mga customers nito.
Kung hindi ito magawa ng maayos ng Maynilad, dapat nang makialam ang MWSS at papanagutin ang water concessionaire sa kapalpakan nito sa schedule ng water interruption.
Tiis na nga ang mga residente, stress pa ang inaabot sa palpak na serbisyo ng Maynilad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.