‘May koneksyon kaya sina Noli de Castro at Ted Failon sa pagkawala ni Kris sa ABS-CBN?’
Sa kuwentuhan naming magkakaibigang manunulat ay natutukan namin ang sitwasyon ng ABS-CBN at ni Kris Aquino. Alam na ng buong mundo ang naganap sa career ng aktres-TV host sa bakuran ng network, pinagsaraduhan siya ng pinto at ng mga bintana, hanggang ngayon ay wala pa ring matatawag na home network si Kris.
Nasa kumukulong tubig naman ang sitwasyon ngayon ng ABS-CBN dahil hindi na kalayuan ang March 20, 2020, pero hanggang ngayo’y malabo pa kung mabibigyan sila ng prangkisa, matindi ang paninindigan ni PRRD na huwag silang pagkalooban ng bagong lisensiya sa paghimpapawid.
Tanungan naming magkakasama, alin ang mas mabigat na problema ngayon, ‘yung kay Kris o ang sa ABS-CBN? Ano nga kaya ang naiisip ni Kris ngayong nasa gitna ng indulto ang prangkisa ng network na sumipa sa kanya?
May impormasyon pang lumulutang ngayon na panahon pa pala ng panunungkulan ni P-Noy ay nagpapa-renew na ng prangkisa ang Dos, pero hindi nito tinugon ang renewal, dahil palagi raw itong binibira ng dalawang matatapang na news anchor ng istasyon na sina Kabayang Noli “Boy” de Castro at Ted Failon.
Naisip lang namin, hindi kaya du’n nag-ugat ang pagkawala ni Kris Aquino sa network, napulitika nga kaya si Kris kaya biglang nagsarado ang lahat ng pintuan ng oportunidad para sa kanya sa ABS-CBN?
Hindi maiiwasan ang pagtatanong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.