Mga opisyal ng gobyerno nagsilbing tagapagsalita ng China
MATAPOS banggain ng isang Chinese fishing vessel ang Pinoy fishing vessel na F/B Gem-Ver sa Recto Bank noong Hunyo 9, tila naging tagapagsalita naman ng China ang ilang miyembro ng Gabinete imbes na kampihan ang mga mangingisdang Filipino.
Sa kanyang naging pahayag, tahasang sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na daplis lang naman ang nangyaring insidente sa pagitan ng Chinese vessel at ng F/B Gem-Ver.
“Kasi sasabihin natin kung talagang babanggain, eh bakit kung sa kwan ba, sabihin natin napakabulok naman nung babangga, daplis lang. Siyempre kung mean to kill, siyempre diretso mo na,” sabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa isang panayam.
Idinagdag pa ni Cusi na aksidente ang nangyari.
Pagkatapos ng pahayag ni Cusi, si Agriculture Secretary Manny Piñol naman ang nagtanggol sa China sa pagsasabing dapat pakinggan ang panig ng Chinese crewmen.
Nag-iba rin ang pahayag ng mga Pinoy na mangingisda matapos na makipagkita kina Cusi at Piñol.
Sina Cusi at Piñol ang inatasan na makipag-usap sa 22 mangingisdang sakay ng F/B Gem-Ver.
Sa naging pahayag ng mga mangingisda matapos na kausapin ng mga opisyal ng pamahalaan, sinabi nila na hindi na sila tiyak kung sinadya ang naging pagbangga.
Hindi naman natin masisisi ang mga mangingisdang Pinoy kung magbago ng pahayag matapos na kausapin ng mga opisyal.
Inihayag naman ng Malacañang na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng nangyari.
May mga panukala pa na magkaroon ng joint investigation ang Philippine government at Chinese government bagamat tinutulan ito mismo ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin.
Iginiit ni Locsin na ang gobyerno ng Pilipinas lamang ang dapat magsagawa ng sariling imbestigasyon gaya ng ginagawa nito sa mga nakaraang mga insidente na kinasasangkutan ng China.
Sa nangyayari ngayon, iba’t ibang opisyal ang nagsasalita at nagbibigay ng opinyon, na magkakaiba rin.
Dapat ay isa lamang ang bigyan ng otorisasyon na magsalita para sa Pilipinas nang hindi naman katawa-tawa ang Pinoy sa mata ng China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.