Dingdong sa ‘anomalya’ sa NYC: Huwag hayaang masalaula ito ng mga uhaw sa kapangyarihan
Inalmahan ni Dingdong Dantes ang hakbang ng incumbent National Youth Commission chairman Ronald Cardema upang maging nominee ng partylist group na Duterte’s Youth.
“Ipinaglaban at patuloy na itinataguyod ng mga opisyal at empleyado ng National Youth Commission (NYC) ang karapatan at kakayahan ng kabataang makibahagi sa pamamahala, regardless of regime.
“Huwag nating hayaang madamay at mabahiran ang importanteng institusiyong ito sa pangangalaga ng kabataan,” pahayag ni Dingdong.
Sabi pa ng aktor, dapat ay nagbitiw na si Cardema kung gusto na palang maging mambabatas.
“Puwede bang nagising na lang siya isang araw at nag-decide na trip niya? Maaari kasing magamit ang ahensiya upang magkaroon sya ng unfair advantage noong kampanya. Malinaw din naman ang batas kontra sa partylist na tumatanggap ng kahit na anong suporta o may koneksiyon sa gobyerno,” rason pa ng Kapuso actor.
“Gusto man nating isipin na totoo ang kanyang hangarin, marami siyang dapat ipaliwanag kung paanong nag-withdraw lahat ng nominado ng kanilang Party List at sa biglaan niyang pagpasok bilang substitute ng kaniyang asawa na siyang number one nominee.
“Eto ba ang values na gusto nating ituro sa mga kabataan? Sa ating mga bagong mambabatas, please look into the Party-List system. Ipagtanggol at palakasin po sana ninyo ang mekanismong nagbibigay espasyo sa mga sektor na marinig ang kanilang mga boses.
“Wag niyo po sana hayaang masalaula ito ng mga taong uhaw o nalulunod sa kapangyarihan.
“At sa ‘yo, Mr. Cardema, if you really want to serve the young people, you are already in the best position to do so,” sabi pa ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.