SAN Jose Manggagawa, tagapagtanggol ng banal na simbahan, iligtas mo ang mga pari’t obispo. Iyan ang panalangin-paninilay sa Ebanghelyo (Gen 1:26, 2:3; Sal 90; Mt 13:54-58) sa paggunita kay San Jose Labrador, Miyerkules sa ikalawang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
***
Kumontra ang bikaryato (isa lamang sa anim) sa isang diocese sa Metro Manila sa nais ng obispo na ilako sa parishioners na iboto ang Otso Diretso, mahigit sanlinggo bago ang eleksyon. “Ilako” ang ginamit na salita para di halatang namimilit ang obispo. Nagalit ang pari ng isa sa mga parokya ng bikaryato at di na ito nagpadala ng mag-PPCRV.
***
Sino ang nasa likod ni bishop? Simula pa ng recruitment/activation para sa magsasagawa ng voters’ education sa mga parokya ay Otso Diretso na ang inilalako. Bakit? Bakit dalawa ang mock election sa tuwing pagpupulong sa diocese at sa ikalawang “halalan” ay panalo ang Otso Diretso sa bilangan na isinagawa lamang ng isang tao? Iyan atbp ang mga tanong ng kura na walang kasagutan sa mga kinatawan ni bishop. Nakarating sa obispo ang gulo sa tabakuhan; at ang kanyang pakli ay may discernment naman daw ang mga parishioners.
***
Sa ibang diocese sa Luzon ay ganito rin ang nagaganap: lantarang pakikialam ng mga obispo at ipinararating sa mga lingkod layko ang sapilitang pagboto sa Otso Diretso. Sa tanong ng pari na sino ang nasa likod ng obispo, ang sagot na dilawan ay sapat na kaya? Sa tanong na sino sa dilawan, ang sagot na si Benigno Aquino 4 ay tama kaya?
***
Ito’y maituturing na ikalawang sugat ng simbahang Katolika. Ang unang sugat ay nakita mismo ni Pope Francis nang mabigo ang mga obispo na pigilan ang paglaganap ng kasalanang laman ng mga pari; at mismong isang obispo pa na nasa sirkulo ng santo padre ang sangkot sa sexual abuse.
***
Sa isang parokya sa bikaryato ng diocese, isang pari, na marami ang tagasunod at parishioners, ang kumokontra sa obispo. Gantihan kaya siya ng obispo (kung magaganap ay baka nais ng obispo na magtampo sa pera mula sa koleksyon)? Wala pang nakikitang kakampi ang obispo pero marami na, at dumarami pa, ang sumusuporta sa ipinaglalaban ng pari: ang malayang pagpili sa iboboto sa Mayo 13. Ang paggawad ng ordinasyon ay hindi anyong anghel sa kinatawan ni Pedro.
***
May mga paring sumusuporta rin sa ilang gawa ni Pangulong Duterte; at isa sa kanila ay ang obispong pangulo ng CBCP. Ipinagdarasal nila ang mga kamalian ni Duterte; ang kanyang pagbabago, ang kanyang kapatawaran. Ipinagdarasal din nila ang kalayaan ni Duterte sa pagsunod sa mabuti at pagpili sa impiyerno.
***
Isang bugok na pulis na naman sa Caloocan. Sentensiyado na ang mga bugok na pulis na pumatay kay Kian de los Santos. Murder ang inirekomendang kaso ng piskalya sa pulis na pumatay sa 6-anyos na bata at bumaril sa kanyang lola. Nang pumutok ang balita mula sa Camarin, North Caloocan, ipinagtanggol pa ng kapwa pulis si De los Reyes, na sinasabing nakipagbarilan sa wanted na si Botchok na may warrant of arrest pa. Walang naibigay na tunay na pangalan ni Botchok at walang naipakitang arrest warrant. Mukhang malabo pa sa sabaw ng pusit. Bakit maraming nagtatanggol sa “floating” at disarmadong pulis na may record na substance abuse (paglalasing) at indiscriminate firing? Binaril ang bata nang malapitan. Kung ito’y proficiency test sa firing range, tatamaan nga ng pulis ang fixed target na bata at hindi niya tinamaan si Botchok, na running man sa practical shooting; dahil wala namang Botchok at wala ring running man target, na active shooter pa.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Gitna, Paombong, Bulacan):
Sumasali ang matatanda sa away sa fb, sisihan, intriga at bashing. Paubos na ang matatanda na nagsasalita ng tama; kung nakasasakit man ay di naman nakasusugat. Isang bagay ay di mawala: intriga. Ayon sa 2 Tim 4:3, Darating ang panahon na di na matatagalan ng tao ang mabuting aral, sa halip, maghahanap sila ng mga guro na nais marinig ang mali ng kanilang makakating tenga. 2 Tim 4:3.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Partida, San Miguel, Bulacan): Sabon at gugo noon, malinis na ang tao. Ngayon, meron nang “lucrative hygiene industry,” na ang ibig sabihin ay magastos na kung nais na maging malinis. Anang industriya (negosyo) na kumikita ng milyones, kailangang “soaped, shampooed, deodorized, bleached, disinfected, sprayed with cologne and other synthetic odors.” Ha? Bakit may putok pa rin?
***
PANALANGIN: San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): May text-laglag na. Huwag daw iboto ng Mindanaon sina Revilla, Estrada, Ejercito at Enrile. …5609, Gatungan, Bunawan, Davao City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.