Aktres reyna ng ‘sumpong’, grabeng mag-emote pag bad trip
PAMINSAN-MINSAN pala ay umaariba pa rin ang kakaibang sumpong ng isang kilala at magandang female personality. Dati na siyang may sumpong, alam ‘yun ng mga naging karelasyon niyang artista, ‘yun nga rin siguro ang dahilan ng kanilang hiwalayan.
Wala siyang inaabalang kahit sino kapag sinusumpong siya, pero wala rin siyang pinapansin, inaangkin lang niya ang mundo.
Kuwento ng aming source, “Siya ang may hawak ng korona sa pagiging sumpungera, runner-up lang ang ibang simanguterang artista d’yan kapag may tantrums sila! Wala silang binatbat kay ____ (pangalan ng magandang female personality).
“Kapag umaariba ang sumpong niya, kahit ang alalay niya, e, alarmado na agad. Hindi na kasi siya kakausapin ng boss niya, puro ganyan lang, na ang ibig sahihin, e, ayaw niyang magpaabala.
“Mismo! Ibang klaseng sumpungin ang lola n’yo! Wala siyang pakialam sa mundo! Nagkagiyera na, nagkasundo na ang magkabilang panig, pero wala pa rin siyang pakialam!
“Inaangkin niya ang paligid, kung meron siyang gustong gawin, walang sabi-sabi niya lang na ginagawa.
Kapag may kailangan naman siya sa alalay niya, puro sign language lang ang ginagawa niya.
“Kunwari, kailangan niya ng brush, aarte siya na parang nagsusuklay. Kapag nauuhaw naman siya, sesenyas siya na kunwari, e, umiinom siya! Ganu’n lang ang ginagawa niya. Kabisado na siya ng alalay niya,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Nakarelasyon ng sumpunging female personality ang isang actor-TV host na mapagpahalaga sa kanyang oras. Busy kasi ito, may negosyo ang male personality, ayaw na ayaw nitong nasasayang lang ang kanyang panahon.
“Magaling ang lalaking ‘yun! Kapag gusto niyang dalawin sa house ang girl, e, tatawag muna siya sa alalay ng girl, ang tanong niya, ‘Okey ba ang boss mo? May tops ba? Baka kasi masayang lang ang oras ko sa pagpunta d’yan!’
Kapag sinabi ng alalay na okey lang ang girl, pumupunta ang boyfriend niya, pero kapag may topak siya, e, sorry na lang, hindi siya dadalawin ng BF niya na nagmumukhang ewan kapag may sumpong siya!
“Ibang klase nga ang babaeng ‘yun! May kuwento naman kasi kung bakit siya nagkakaganyan, may masaklap siyang pinagdaanan. Very fresh pa rin sa utak niya ‘yun kahit pa ilang dekada na ang nakararaan,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, maraming personalidad na may tantrums pero kayo na ang pumili sa merkado kung sino ang bumibida sa ating kuwento, kilalang-kilala n’yo siya!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.