TNT humahabol sa twice-to-beat incentive
NAIWASAN ng TNT na masayang ang 18-point third quarter lead mula sa tangkang upset ng Columbian para itakas ang 101-98 panalo Biyernes ng gabi sa sa Ynares Center, Antipolo City at panatiling buhay ang paghahabol sa twice-to-beat advantage sa 2019 PBA Philippine Cup eliminations.
Umangat sa 7-3 kartada ang KaTropa na sumandal sa nagbabagang outside shooting ni Ryan Reyes na umiskor ng 19 puntos para solohin ang ikatlong puwesto sa team standings at bumuntot sa Rain or Shine na may 8-3 baraha.
Isinalpak ni Reyes ang lima sa kanyang walong tira mula sa three point range. Nagdagdag naman ng 20 puntos si Jayson Castro habang naglagak din ng 19 puntos si Troy Rosario para sa TNT.
Kailangan maipanalo ng KaTropa ang huling laro sa Linggo kontra NorthPort para makapuwersa ng two-way tie sa No.2 spot at huling twice-to-beat incentive.
“Hopefully on our last game we come out strong. We have to win this game, our last game on Sunday and then the rest we’ll see. Whatever happens, happens basta ang concern namin is our next game,” sabi ni KaTropa head coach Bong Ravena na haharapin ang mapanganib na Batang Pier na naghahapit rin para sa playoffs seat.
Humarurot ang Dyip sa huling yugto at sumagitsit si Jackson Corpuz ng anim na puntos sa huling limang minuto ng laban para ilapit ang Columbian, 94-91.
Pinilit pang itulak ni Rashawn McCarthy ang laban sa overtime matapos na makabuslo ng tres at magmintis naman si Jayson Castro sa rainbow territory may 20 segundo pang nalalabi sa orasan subalit sumablay ang dalawang tres ni McCarthy.
Tinapos ng Dyip ang elimination phase na may 4-7 kartada para sa ikasiyam na puwesto at nakadepende na sa kahihinatnan ng ibang mga laro kung aabante ba sila sa quarterfinals o hindi.
Tumipa ng game-high 22 puntos para sa Columbian si CJ Perez habang may 17 at 13 markers sina McCarthy at Corpuz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.