Kathryn kaya nang magsolo sa career, ano na kaya ang mangyayari kay Daniel?
Sa kasaysayan ng mga loveteam ay kadalasang napag-iiwanan ang lalaki sa kanilang paghihiwalay para sa kani-kanyang career. Bibihira lang ang lalaki ang nakakaalagwa at ang babae naman ang tumatamlay ang ningning ng bituin.
Maraming nag-aalala para kay Daniel Padilla. Sa itinatakbo ng career ngayon ni Kathryn Bernardo ay unti-unti na siyang nakakawala sa tambalan nila ni Daniel, ikalawang pelikula na ang pagtatambalan nila ni Alden Richards na hiwalay sila, kaya ano nga kaya ang magiging kapalaran ng heartthrob kung palaging ganyan?
Siguradong may plano rin naman ang Star Cinema para sa binata, itatambal din ito sa iba, pero ang mahalaga ay nakauna na si Kathryn.
Ilang buwan pa lang ang nakararaan ay balitang humihingi ng bakasyon si Daniel mula sa Star Magic, pinagbigyan naman ito, kaya nga napabalitang madalas na kasama ng kanyang ama sa probinsiya ang boyfriend ni Kathryn.
Ang tanong, hiniling din kaya ni Daniel sa mga nag-aalaga ng kanilang loveteam na mamahinga rin muna ito sa kanilang tambalan, may ganu’n din kaya silang usapan?
Kapag nagtagumpay ang pakikipagpareha ng dalaga sa ibang leading men ay magkakalabasan na ng mga baraha.
Kailangan nang magbalot-balot ni Daniel Padilla, kaya nang lumangoy ni Kathryn Bernardo nang mag-isa, magkakatotoo na naman ang kasaysayan na sa hiwalayan ng magka-loveteam ay ang babae ang nakakatawid at napag-iiwanan ang lalaki.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.