SINASABING ang pinakamahalagang meal sa isang araw ay ang almusal.
Ang almusal o breakfast ang nagsisilbing “gasolina” ng katawan at utak matapos ang overnight fast. Kaya nga dito nagmula ang breakfast na ang ibig sabihin ay i-break ang fast.
Ang hindi pagkain ng almusal ay parang isang kotse na gustong tumakbo pero walang gasolina.
Makabubuting kumain ng almusal dalawang oras pagkatapos magising.
Narito ang ilang benepisyo ng pagkain ng almusal:
1. Nagbibigay lakas
Gaya nga nang nasabi na, katulad ng kotse na kailangan ang gasolina para tumakbo, ang katawan ay manghihina kapag walang almusal. Mahihirapan din gumana ang utak pag di nalagyan ng pagkain ang tiyan tuwing umaga.
2. Talino para sa bata
Ang mga batang kumakain ng almusal ay nakakakuha ng mas mataas na grado sa eskuwela kumpara sa pumapasok nang gutom. Mas alerto, matalino at mabilis sumagot ang batang busog. Pero dapat masustansyang almusal ang ibigay sa bata, huwag processed food!
3. Pampasigla
Gaya ng mga bata, nagiging alerto, masigla at mas focused ang matatandang nag-aalmusal bago pumasok sa trabaho.
4. Iwas ulcer
Ang mga taong madalas malipasan ng pagkain ay maaaring magkaroon ng ulcer. Para makaiwas dito, dalasan ang kain pero pakonti-konti lang. Mas hindi mahihirapan ang iyong tiyan sa pagtunaw ng pagkain at mapapanatili nito ang tuluy-tuloy na pagdaloy ng lakas sa katawan.
5. Iwas taba
Hindi nakatataba ang pagkain ng almusal – mali ang paniniwalang papayat ka kapag hindi ka nag-almusal at sa katunayan lalo kang tataba kapag hindi ka nag-almusal. Ang mga taong hindi nag-aalmusal ay mas gutom sa tanghalian kaya sigurado na mapaparami ang kanilang pagkain. Mahirap ding pumili ng masustansyang pagkain kapag ikaw ay gutom na gutom na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.