Measles oubreak mas nakakatakot sa ingay dulot ng Dengvaxia scare
SUNOD-sunod ang pagdedeklara ng Department of Health (DOH) ng measles outbreak matapos namang dose-dosena na ang naitalang nasawi at libo-libo na ang apektado dahil sa tigdas.
Ang itinuturong dahilan ng DOH ang pagtanggi ng mga magulang na pabakunahan ang kani-kanilang mga anak dahil sa nangyaring Dengvaxia scare.
Sa makatuwid, nawala ang pagtitiwala ng mga magulang sa kahalagahan na mapabakunahan ang kanilang mga anak laban sa iba’t ibang mga sakit dahil na rin sa ingay na idinulot ng Dengvaxia scare.
Abala ngayon ang ilan para mapanagot ang mga umano’y sangkot sa Dengvaxia controversy pero sa mga nasasawing mga bata dahil sa tigdas tila walang makakasuhan.
Hugas kamay naman ngayon ang mga noo’y maiingay laban sa Dengvaxia sa pagsasabing hindi naman nila sinabing wag magpabakuna.
Kahit anong palusot ngayon ng mga maiingay sa isyu ng Dengvaxia, hindi ba’t ang takot ng mga magulang sa nangyaring mga kaso ng mga nasasawi na iniuugnay sa anti-dengue vaccine ang dahilan kung bakit nawala ang kumpiyansa ng mga tao sa vaccination program ng gobyerno?
Ngayon na may measles outbreak na, hindi ba’t mas nakakatakot ito kumpara sa ingay na idinulot ng Dengvaxia.
Alam na rin ng mga nag-iingay sa Dengvaxia kung ano ang pakiramdam ng masisi.
Kung may gustong papanagutin sa Dengvaxia controversy, dapat ay may habulin din ang mga magulang na namatayan dahil sa tigdas.
Ilang dekada na ang vaccination program ng gobyerno na napatunayang epektibo naman para labanan ang mga sakit sa bansa.
Nabahiran lamang ang tiwala ng mga magulang bunsod na rin ng
ingay na dulot ng Dengvaxia scare.
Naway maibalik ang tiwala ng mga magulang sa vaccination program ng gobyerno at muling magtiwala na ligtas magbakuna.
Kung hind kasi tayo magtitiwala sa vaccination program ng gobyerno, baka hindi lamang measles outbreak ang maranasan sa bansa.
Sa bahagi naman ng DOH at lokal na pamahalaan, dapat ay hindi lamang magdoble kayod para maagapan ang pagkalat ng tigdas sa bansa.
Magkaroon ng puspusang information campaign para maibalik ang tiwala sa vaccination program ng gobyerno.
At sana natuto na tayo, hindi sa ingay ng iilan napapatunayan kung ano ang tama at nararapat para sa
benepisyo ng mga Pinoy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.