Seguruhin ang kaligtasan ng mga journalists —Imee
SA Pebrero 12, opisyal nang magsisimula ang kampanya para sa mga kandidatong tumatakbong senador sa eleksiyon sa Mayo 13 at kasabay nito magiging abala na rin ang mga mamamahayag para maiparating sa publiko ang mga kaganapan sa bansa.
Hindi pa man din nagsisimula ang kampanya, partikular sa mga lokal na kumakandidato, ilan na nga ba ang naitatalang karahasan na may kaugnayan sa eleksiyon na nagdulot sa pagkamatay o pagkasugat ng ilang kumakandidato at maging ng mga inosenteng sibilyan?
Sa harap nito ay may panawagan si Ilocos Norte Imee Marcos kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Benjamin Madrigal.
Isinulong ng Imee ang pagpapatupad ng mga hakbangin para protektahan ang mga miyembro ng media na nasa frontline ng election coverage kasabay ng babala sa posibleng pag-atake sa mga mamamahayag ngayong kampanya.
Ilan na bang mga mamamahayag ang napapatay na may kaugnayan sa kanilang trabaho at tumataas lalo ang peligro sa kasagsagan ng kampanya.
Nagpahayag din ng pangamba si Marcos sa pamemersonal ng mga personalidad dahil sa mga pagbatikos sa kanila.
Nagiging sensitibo ang mga pulitiko, dahilan para mamersonal ang mga ito sa mga pagbanat sa kanila.
Bukod sa kalabang kandidato, nagiging target na rin ang mamamahayag.
Base sa mga datos, umaabot na sa 12 journalists ang napapatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa grupo ng mga mamamahayag, siyam sa 12 kaso ng mga pagpatay aa media ay konektado sa kanilang trabaho.
Samantalang umabot naman sa 35 na journalists ang napatay sa panahon ng administrasypn ni dating Pangulong Noynoy Aquino, mula Hulyo 1, 2010 hanggang Nobyembre 2015.
Idinagdag ni Imee na dapat unahin ng AFP at PNP na magsagawa ng karagdagang paghahahanda para maprotektahan ang media sa mga lugar na nauna nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) bilang election hotspots.
Dapat maging prayoridad ng otoridad na matiyak ang kaligtasan ng mga miyembro ng media ngayong panahon ng kampanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.