RAMDAM na ramdam ni manong driver ang pagtaas ng presyo ng diesel.
Nagsabay ba naman kasi yung big time price hike at ang dagdag na excise tax na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Tumaas ng P2.30 ang kada litro ng diesel sa kanyang pinagkakargahang gasolinahan. Tapos ipinataw na rin ang dagdag na P2 excise tax. Sino ba naman ang hindi makakaramdam ng P4.30 kada litrong dagdag sa presyo.
Noong Enero 2018 unang naramdaman ang excise tax sa diesel na nagkakahalaga ng P2.50 kada litro. Sa susunod na Enero ay ipatutupad ang ikatlong pagtataas sa excise tax na nagkakahalaga ng P1.50. Sa loob ng tatlong taon ay P6 ang excise tax na ipapataw sa diesel.
Bukod dito ay mayroon pang 12 porsyentong Value Added Tax. Patong-patong na buwis.
May tulong namang bigay ang gobyerno sa mga driver ng pampasaherong jeepney. Yung Pantawid Pasada program na nagkakahalaga ng P5,000 na ibinibigay sa mga operator na mayroong balidong prangkisa.
Sayang at hindi makikinabang si manong driver sa P5,000 subsidy na ito. Hindi kasi siya ang operator ng ipinapasadang jeepney.
Nakiki-boundary lang siya, kaya ang subsidy sa may-ari ng jeepney mapupunta. Hindi niya naman maaasahan na ibibigay pa ito ng operator sa kanya.
Isa pang problema nya ay kapag tuluyan ng hindi pinayagang bumiyahe ang lumang jeepney na kanyang ibinibiyahe.
Nararamdaman niya kasi na ayaw ng kumuha ng bagong unit ng kanyang operator. Paano na raw siya at kanyang pamilya kapag nagkataon?
May mga pasahero naman na natatakot na ang pagtataas na ito ay maging mitsa ng pagtaas ng pamasahe.
Kung magkaganun, hihirit nanaman ng pagtataas ng sahod.
Ngayon pa nga lang ay naghahanda na ang isang labor group na maghain ng petisyon para humirit ng mahigit P300 dagdag sa minimum.
Mukhang tama naman na linisin na ang Facebook at alisin na ang mga fake accounts.
May mga tao kasi na ginagamit sa kalokohan ang mga fake account. Anlakas mam-bash kasi alam niya na mahirap siyang ma-trace dahil puro peke ang detalye na inilagay niya.
Meron din namang gawa ng gawa ng fake accounts para magamit sa negosyo.
Nagpapabayad para gamitin ang mga accounts na ito na mag-follow o mag-like o mag-share ng mga post sa FB.
Sa Kamara de Representantes ay may mga panukala upang tiyakin na totoong tao ang may-ari ng account.
Ang gusto ng mga panukala ay mag-submit ng valid ID ang isang tao na gustong magkaroon ng FB account.
Mukha namang may punto ang panukalang ito.
Sa ganitong paraan ay magiging responsable ka kung anuman ang inilalagay mo sa FB.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.