ISAMA na si Magnolia Hotshots coach Ercito “Chito” Victolero sa grupo ng mga ‘elite’ head coach na nagwagi ng titulo sa Philippine Basketball Association (PBA).
Nagpapasalamat naman si Victolero sa kanyang mga manlalaro, coaching staff at management sa pagbigay sa kanya ng pagkakataon na maihatid ang koponan sa kampeonato sa kanyang ikalawang taon sa pro league.
“Wala akong masabi sa ngayon kundi napakatamis ng kampeonato na ito. All Glory to God!” sabi ni Victolero, na hinawakan din ang Mapua Cardinals sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) bago umakyat sa PBA bilang head coach ng Star Hotshots kapalit ni Jason Webb.
Ang 2018 Governors’ Cup crown ay ang ika-14 kabuuang titulo ng prangkisa at nakasalo nila ang Alaska bilang ikalawang koponan na may pinakamaraming titulo sa liga.
Ang San Miguel Beer, ang nalalabing pioneer team sa PBA, ay ang may pinakamaraming korona sa liga sa hawak nitong 25 kampeonato.
Masaya naman si Victolero na nakasama na siya sa maituturing na ‘elite group’ ng coaches na may championship ring.
“Hindi ko talaga maipaliwanag ang pakiramdam,” sabi ni Victolero, na naglaro rin sa PBA mula 2002 hanggang 2005.
Nagbunga naman ang ilang taon na paghihintay at pagkuha ng mga maaasahang manlalaro matapos talunin ng Hotshots ang Aces, 102-86, sa Game 6 noong Miyerkules ng gabi para masungkit ang korona ng Governors’ Cup.
Bago ito, huling nagkampeon ang Magnolia, na kilala noon bilang San Mig Coffee Mixers, sa pareho ring kumperensiya noong 2014 habang hawak ni Tim Cone, na hinatid ang koponan bilang ikaapat na Grand Slam team sa PBA.
Sinandalan ni Victolero ang kumbinasyon ng mga beterano at batang manlalaro na binubuo nina Mark Barroca, Ian Sangalang, Rafi Reavis, Justin Melton, Jio Jalalon, Rome dela Rosa, Paul Lee at import Romeo Travis para wakasan ang apat na taong tagtuyot sa titulo ng koponan.
Napili naman si Barroca bilang PBA Press Corps-Honda Finals MVP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.