Huwag umalis kung walang travel insurance | Bandera

Huwag umalis kung walang travel insurance

Susan K - December 12, 2018 - 12:10 AM

MAHILIG nang bumiyahe ang Pinoy ngayon. Halos naiikot na rin nila ang buong bansa.

At siyempre pa, pati sa abroad na rin. Lalo pa’t madalas may mga promo sa plane ticket kung kaya’t kaagad itong sinusunggaban ng ating mga kababayan.

Naririyan pa ang pagluwag ng ilang mga bansa sa pag-iisyu ng visa tulad ng Japan at Korea pati na rin ang tuluyang pag-aalis ng visa requirement sa mga Pinoy na magtutungo sa Taiwan.

Isa pa ring naka-engganyo ang mahabang valildity ngayon ng Philippine passport na dati-rati ay limang taon ngunit ngayon ay 10 taon na.

Iba rin ang estilo ng mga millennial. May mga trabaho sila, mag-iipon at pagkatapos, magbi-biyahe. Napakahilig nilang maglakbay. Hindi ito ang henerasyon na nag-iipon para may ipambili ng sasakyan o di kaya’y sariling bahay.

Katuwiran nila, masarap pa ring tumira sa bahay ng kanilang mga magulang, wala pa silang gastos. Hindi rin nila kailangan ng mga sasakyan. Bukod sa napaka-traffic sa kalsada, ayaw na rin nilang magmaneho. Bukod pa sa mahirap ang parking at kadalasang may bayad pa.

Hindi nga naman praktikal pa na magdadala sila ng sariling sasakyan sa kanilang mga trabaho at mahabang oras din lang naman nilang igagarahe iyon. Ayos na sa kanila ang gumamit ng makabagong sistema ngayon ng transportasyon, at marami pa silang nagagawa habang nata-traffic. Ganyan ka-wais ngayon ang ating mga kabataan.

Pero kapansin-pansin na may kulang palagi sa preparasyon ng paglalakbay ang ating mga Pinoy.

Palibhasa mura ang ticket ng eroplano, hahanap ng mura ding matitirhan sa abroad, kung kaya’t go na go na siya.
Hindi kasama sa listahan ang kanilang travel insurance.

Gaano nga ba kahalaga ito? Kahit 2 o 3 araw lamang ang bakasyon, dapat talagang may taglay na travel insurance ang isang biyahero.

Anuman ang mangyari sa kaniya, may proteksyon siya. May mananagot sa kaniya kapag siya ay nadala sa hospital, naaksidente kaya at ilan pang mga emergency.

Kapag nawala o na-damaged ang kanilang mga bagahe, sagot din ng insurance iyon!

Isang kabayan natin ang namasyal sa isa sa mga bansa sa Asya. Pinag-ipunan ng kanilang mga anak ang pang-plane ticket ng magulang kung kaya’t nakaalis ang mga ito.

Pero inatake sa puso ang kanilang tatay at tatlong linggo nang nasa ICU ngayon. Ayon sa pamilya, mag dadalawang milyong piso na ang bill nito sa hospital.

Palibhasa hindi naman OFW ang isang turista, kung kaya’t walang proteksyon at benepisyo na maaasahan ito sa buong panahon na namamasyal siya sa ibayong dagat.

Kaya diyan papasok ang mahalagang papel ng travel insurance. Huwag sana ninyong panghinayangang gastusan ng kaunting halaga ang bagay na ito dahil ito ang magsisilbing tagapag-salba ninyo kapag inabot kayo ng di inaasahang pangyayari habang nasa abroad.

Para sa mga nag-aaply ng visa patungong Europa, mandatory na may travel insurance na ang aplikante bago pa ma-aprubahan ang kaniyang visa application.

Kaya kung mag-aabroad, tratuhing parang plane ticket ang travel insurance. Dapat palaging magkasama ang dalawang iyan. Huwag na huwag magbibiyahe kung wala ang isa sa kanila!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending