TNT Boys pang-Guinness Record ang soldout concert

December 11,2018
share this

TNT Boys pang-Guinness Record ang soldout concert

December 11,2018
share this


PATULOY ang TNT Boys sa pagkamit ng kanilang mga pangarap at pag-ani ng sunod-sunod na pagkilala ngayong sila na ang may hawak ng titulong pinakabatang artists na na-soldout ang major concert, hindi lang sa makasaysayang Araneta Coliseum, kundi sa buong bansa sa kanilang matagumpay na “Listen: The Big Shot Concert.”

Inabangan ng libo-libong manonood, mapa-Pinoy man o banyaga, mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo ang pangmalakasang biritan at nakakatuwang hiritan nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez at Francis Concepcion sa Big Dome kung saan ipinadama nila ang taos-puso nilang pasasalamat para sa walang sawang suporta ng kanilang fans.

Hindi nga binigo ng TNT Boys ang mga dumalo sa concert sa pagbukas nila ng gabi sa pasabog nilang version ng “And I Am Telling You I’m Not Going.” Pinalakpakan din ang madamdamin nilang rendition ng “Flashlight,” kung saan naging emosyonal na napaluha ang tatlo na sinabayan pa ng pagtaas ng light sticks at mobile phones ng mga manonood.

Nakasama rin nila on stage ang Unkabogable Star at bida ng pelikulang “Fantastica” na si Vice Ganda sa pagbibigay ng good vibes sa audience na proud na proud sa tagumpay ng TNT Boys. Matinding tawanan din ang dinala ng “Tawag ng Tanghalan” hurado na si K Brosas sa panggagaya niya kay Jessie J.

Isang world-class performance naman ang inihandog ng TNT Boys kasama si Jed Madela sa pagbirit nila ng mga classic songs. Sinamahan din sila ng “TNT” grand champions na sina Janine Berdin, Jhon Clyd Talili at Noven Belleza sa pag-awit nila ng “We are the Champions” na nagpabilib sa mga manonood.

Nakipagsabayan din ang kanilang mga kaibigan sa Your Face Sounds Familiar Kids na sina Xia Vigor, Onyok Pineda, Esang de Torres, Sheena Belarmino, Noel Comia Jr., Chunsa Jung at Krystal Brimner na nag-impersonate ng ilan sa mga pinakasikat na music icons.

Nagtapos ang programa sa bigay-todo nilang pag-awit ng “Listen,” na umani ng hiyawan at nagpadagundong sa buong Araneta.

Bukod sa Big Dome, nagpakita rin ng suporta ang mga tagahanga ng trio sa kani-kanilang mga tahanan dahil libo-libong ABS-CBN TVplus subscribers ang nanood ng live concert nila sa KBO.

q q q

Sunod-sunod nga ang parangal at pagkilalang natatamasa ng TNT Boys mula nang mabuo ang kanilang grupo sa Gandang Gabi Vice last year.

Kamakailan ay nagkamit din sila ng Royal Cub award mula sa RAWR Awards ng online site na Lionheartv dahil sa kanilang pagiging laman ng balita at trending performances.

Sila rin ang pinangalanang Pop Child Performer of the Year sa kakatapos lang na PPOP Awards for Young Artists 2018, na kinilala ang magagaling na young artists sa bansa na gumawa ng marka sa Philippine pop culture, music, at performing arts.

Regular na rin sila sa ASAP Natin ‘To maghandog ng world-class performances every Sunday. May pamaskong handog din ang trio nina Mackie, Keifer, at Francis sa paglunsad nila ng kanilang Christmas album na “TNT Boys Christmastime” under TNT Records.

Inaabangan na rin ng madlang pipol ang magiging performance nila sa pagsali sa isang international competition. Ngayon pa lang ay todo na ang pahahanda ng tatlong bagets para sa sasalihang contest sa ibang bansa.

Ayon nga kina Mackie, Keifer at Francis, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para muling mabigyan ng karangalan ang Pilipinas.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending