Maymay handang i-train ni Jonas Gaffud para maging beauty queen
BINUKSAN ni Maymay Entrata ang pintuan para mas makilala pa ang galing at talento ng mga Pinoy sa mga international fashion events.
Mismong ang talent manager ng mga beauty queen at ramp and commercial model na si Jonas Gaffud ang nagsabi na napakalaki ng impact ng pagrampa ni Maymay sa nakaraang Arab Fashion Week sa Dubai.
Aniya, mas maraming opportunities para sa Filipino models ang posibleng magbukas hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa pagkakapili kay Maymay bilang kauna-unahang Pinay celebrity na rumampa sa Arab Fashion Week.
Ayon pa kay Jonas, dahil sa lakas ng hatak ng PBB Lucky Season 7 Big Winner sa social media ay mas nakilala at umingay pa ang Arab Fashion Week at nagbukas nga ito ng mas maraming oportunidad para sa Pinoy models.
“Siguro kasi yung branding, kailangan nila ng online following, kailangan nila ng inggay. So maganda talaga ‘yung ginawa nila, like marami pa ding tao na hindi alam na may Arab Fashion Week, pero dahil si Maymay nandoon, nalaman ng marami na may Arab Fashion Week pala dahil ‘yun sa social media influence natin,” paliwanag ni Jonas na kilala ring beauty queen maker.
Natutuwa rin ang talent manager dahil natupad na ni Maymay ang isa sa kanyang mga pangarap, “Number one, pangarap talaga niya mag-ramp at mag-runway at napakita niya ang skills niya and I’m happy for that,” chika pa ni Jonas sa isang panayam.
Dagdag pa ng manager, nakahanda rin daw siyang tulungan si Maymay sakaling magdesisyon na rin itong pasukin ang mundo ng beauty pageant. “Oo naman, pero kailangan niya magpataba, kasi ampayat-payat niya, kailangan niya ng konting laman, pang model kasi ang katawan niya ngayon e.”
Samantala, pagkatapos magpakitang-gilas sa Arab Fashion Week, inaasahang ang susunod na pagrampa ni Maymay ay sa fashion show naman ng sikat na Pinoy fashion designer na si Rajo Laurel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.