True ba, Diego diretso sa rehab matapos ma-confine sa ospital?
FOLLOW-UP ito sa istorya namin tungkol kay Diego Loyzaga na umano’y sinaktan ang sarili kaya itinakbo sa St. Lukes Hospital nitong Martes ng gabi na nakalabas na rin daw nitong nakaraang Huwebes.
Base sa kuwento ng aming source, hindi sa kanilang bahay dumiretso si Diego mula sa ospital kundi sa isang rehabilitation center.
Hula ng lahat ay na-depress ang aktor dahil siya na mismo ang nagsabi sa isang panayam na tuwing sasapit ang “Ber” months ay nakararamdam siya ng pagkalungkot, lalo na kapag naaalala niya ang kanyang lolo na sobrang close sa kanya.
Ang sinasabing lolo ng aktor ay ang ama ni Teresa Loyzaga na si Carlos “Caloy” Loyzaga na kilalang bastketball player at coach noon.
Kuwento ng aming source, “Lumabas na si Diego (sa ospital), inilipat siya sa rehab at wala namang imik nu’ng sumakay siya (sa sasakyan). He was brought near in Cubao, malapit sa Chocolate Lover (bilihan ng raw materials for chocolates). Hanapin mo na lang ‘yung place.”
Nag-check kami ng posibleng pagdalhan kay Diego at positive dahil may nakita kaming rehab center sa nasabing lugar na binanggit sa amin. Nalaman namin na sobrang pribado ang lugar at bawal bumisita ang hindi kaanak at higit sa lahat, hindi sila nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kanilang mga pasyente.
Umaasa kami na magiging maayos na ang lagay ni Diego at sana’y hindi tuluyang mawala ang karakter niyang Joaquin Cardinal sa seryeng Los Bastardos na umeere sa ABS-CBN.
Samantala, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng official statement ang pamilya ng aktor at maging ang talent management nitong Star Magic ay wala ring inilalabas na pahayag maliban sa unang ipinadala sa aming text message ni Thess Gubi (Star Magic publicity head) na, “Diego and Family sre doing fine. And are requesting for privacy, thanks.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.