Klaudia Koronel dumaan sa matinding pagsubok; nagtangkang magpakamatay
NAAALALA n’yo pa ba ang dating kontrobersyal na sexy actress na si Klaudia Koronel o Milfe Dacula sa tunay na buhay?
Nasa Pilipinas siya ngayon para asikasuhin ang pagbebenta sa isang condo unit niya sa The Fort. Sa Los Angeles, California, USA na naninirahan si Klaudia at nagtatrabaho bilang nursing assistant sa isang ospital.
At bago nga siya bumalik sa Amerika sa Oct. 5, nakipagkita muna siya sa ilang kaibigang reporter mula sa entertainment media para ikuwento ang ilang detalye tungkol sa kanyang personal na buhay at kung ano ang tunay na nangyari sa ex-husband niyang foreigner.
Unang-una niyang nilinaw ang balitang naghihirap na siya kaya ibinenta na niya ang properties niya rito sa bansam “Hindi, hindi naman totoo yun. Meron pa po akong ilang properties dito.”
Natanong si Klaudia kung ano ba talaga ang rason bakit sila nag-divorce ng kanyang Chinese/American businessman husband.
“I think alam n’yo naman yung sitwasyon nu’ng kinasal ako na pinapipirma ako ng prenuptial agreement bago niya ako pakasalan,” simula ng aktres. Hindi raw siya pumirma.
“Naniwala ako na mahal niya ako, na nag-promise siya na forever iingatan niya ako, mamahalin niya ako. Pero dahil nga hindi ako pumirma dun sa prenuptial agreement, dahil bilang Pilipina, siyempre hindi ako naniniwala sa ganu’n.
“Thirty years old na ako nu’ng nag-asawa ako, kasi gusto kong magkaroon ng asawa na responsible na aalagaan ako. Masyado akong mapili sa lalaking mamahalin ko,” aniya pa.
Dinedma lang daw niya ang lahat ng mga nagsasabing nagkamali siya ng laaking pakakasalan, “Kasi mahal ko e. Ipinaglaban ko. Kahit sinabihan ako na, ‘Huwag yan, dapat kapananampalataya mo, ang sagot ko is mahal ko. Inuna ko ang pagmamahal ko sa taong…iniwan ko kayo, iniwan ko yung career ko, iniwan ko ang family, iniwan ko yung anak ko, dahil sa pagmamahal ko sa lalaki.”
Miyembro ng Iglesia Ni Cristo si Klaudia at isa raw sa mga dahilan kung bakit naka-recover siya ay dahil sa kanyang faith.
“Dahil pala sa hindi ko pagpirma ng prenuptial, naging lungkot pala sa sarili niya (ex-husband) yun. Bakit ko alam, kasi kahit nagbabakasyon kami, tulala siya. Hindi siya masaya tapos lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough, this is not enough.’
“Parang, mayabang man sabihin, ang laki-laki ng bahay namin, tatlo ang kotse namin, may business kami, marami kaming properties, but lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough.’ Parang hindi pa rin siya masaya. Tapos konting problema lang, ‘I will divorce you!’ Konting ano lang, tinatakot niya ako.”
Nilinaw din niya ang isyu na may third party involved sa kanilang break-up, “No, mahal niya ako, mahal ko rin siya. Alam mo kung bakit ko alam na mahal niya ako?
“Kasi bago niya ako dinivorce, may sulat siya sa akin, nakalagay, ‘I still love you, mahal kita but I have to divorce you.’ Alam ko naman sa simula pa lang, sa prenuptial, sinabi niya sa akin, ‘Hanggang three years lang yung marriage natin.’
“Alam ko yun. Sa Amerika kasi pag five years na ang marriage ninyo makukuha mo yung kayamanan ng asawa mo, half ng lahat ng kayamanan makukuha mo. Nakita ko na lang yun nu’ng tumagal na, may sinusundan pala siyang legal na ano, at nakita ko naman yun noon pa.
“Hindi na ako umatras nu’n kasi naka-set na akong ikasal. At nu’ng ikasal ako hindi ako masaya,” maluha-luha pang kuwento ni Klaudia.
Napilitan na siyang pumirma ng divorce paper dahil kung hindi, “Wala akong makukuha kahit ano kapag hindi ako nag-sign.” Bago niya pirmahan ang mga dokumento ay nagpaalam muna siya sa INC dahil kung hindi baka raw matanggal siya.
q q q
Sa puntong ito, diretsong sinabi ni Klaudia na inatake rin siya ng matinding depresyon, “Three years pa lang ako nu’n sa Amerika, feeling ko para akong baby na, ‘Paano kaya ako mabuhuhay mag-isa?’ Dumaan ako sa ganu’n.
“And kaya nagpaalam ako (sa INC) na ito yung sitwasyon ko, idi-divorce ako na walang dahilan. Ang alam ko lang na nakikita ko yung ayaw lang niya i-share ang kayamanan niya,” aniya pa.
At dahil sa sobrang lungkot at depression, tinangka niyang magpakamatay. Uminom siya ng gamot na ginagamit sa mercy killing o Euthanasia.
“Parang ayoko ng mabuhay, kasi pag ininom mo yun, unti-unti liliit ang puso mo. “Unti-unti, mamamatay ka. Hindi lang yun, nilalaslas ko rin ang sarili ko, para makita ng asawa ko, ‘Maawa ka sa akin!’
“Tapos niyayakap naman niya ako, sasabihin niya, ‘Why do you have to do that? Why do you have to be depressed? Nandito pa naman ako. This is just a piece of paper’, sabi niya. Kasi nga ayokong makipaghiwalay, e paper nga lang daw yun.
“Alam mo kung bakit alam ko dahil lang sa kayamanan? Kasi divorced na kami pero magkasama pa rin kami sa bahay. Di ba? Bakit hindi niya ako pinaalis? Bakit hindi niya ako pinalayas? Di ba? Kung meron na siyang ibang babae dapat sana, ‘Umalis ka na!’
“Dinadala pa rin niya ako kahit sa ibang bansa. Kaso lang bilang babae naman, dinivorce mo na ako, bakit mo pa ako gagamitin? So umiwas na lang ako, naghahanap na ako ng ibang room.
“Respeto na lang sa sarili ko, kasi sinira mo na yung marriage natin tapos dito pa rin tayo sa isang bubong?
“Hanggang sa hindi pa rin ako pinapaalis, ang sakit lang na tinitingnan mo siya may kausap na siyang ibang babae. Masakit. Nagde-date na siya, nasa bahay pa rin ako naghihintay pa rin ako sa kanya.
“Alam mo kung paano lang kami nahiwalay? Nakialam na yung nanay niya. Sabi ng nanay niya, ‘Divorced na kayo bakit pa kayo magkasama sa isang bubong?’ Du’n lang siya natarantang hanapan ako ng ibang lugar kasi darating na yung nanay niya,” mahabang kuwento pa ni Klaudia.
Nilinaw naman ni Klaudia, never siyang sinaktan physically ng dating mister, “Ano lang verbal abuse, yung panda-down, minamaliit yung pagkatao mo.”
At dahil hindi nga siya pumirma sa prenup ay nakakuha naman siya ng ilang properties mula sa dati niyang mister na siya niyang pinalalago ngayon sa US. Ibinenta na rin nila ang ilan nilang conjugal properties at saka pinaghatian ang pera.
In fairness, ang ganda-ganda pa rin ni Klaudia, parang hindi siya tumanda. Medyo tumaba lang siya ngayon dahil daw palagi siyang kain nang kain. Na-miss daw kasi talaga niya ang pagkaing Pinoy dahil ilang taon din siyang nanirahan sa Amerika.
Sa susunod na issue, abangan kung paano niya kinuwestiyon ang Diyos sa lahat ng pagsubok na ibinigay sa kanya, kung bakit kailangan siyang pahirapan nang todo at kung paano siya nakabangon muli.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.