3 girls events idinagdag sa Milo Little Olympics NCR leg
SA hangaring makadiskubre ng mga bagong talento sa sports, tatlong bagong event ang idinagdag sa girls division ng 31st Milo Little Olympics NCR Leg.
Pormal na binuksan ang 31st Milo Little Olympics NCR at South Luzon Leg Biyernes sa Marikina Sports Center at magtatapos ito sa Linggo, Agosto 26, sa SM City Masinag sa Antipolo City kung saan isasagawa ang football, futsal at sepak takraw na pinakabagong event para sa mga kababaihan sa haiskul ng taunang inter-school competition na bukas para sa mga elementary at secondary student.
Aabot sa 5,000 student athletes buhat sa Metro Manila, CALABARZON (Region 4-A), MIMAROPA (Region 4-B) at Bicol Region (5) ang maghahangad na tanghaling kampeon sa pagsabak sa arnis/anyo, athletics, badminton, basketball, football, gymnastics, karatedo, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, chess, scrabble at sepak takraw sa sportsfest na suportado ng Department of Education, Philippine Sports Commission at Lungsod ng Marikina.
Ang mga tatanghaling Most Outstanding Athletes mula sa iba’t ibang sports event sa elementary at secondary division ay pararangalan at bibigyan ng one year supply ng Milo products, certificate of recognition at Milo Training Top.
Ang mga top ten school ay tatanggap ng tropeyo at Milo sports equipment kung saan ang overall champion ay tatanggap ng sports equipment na nagkakahalaga ng P40,000.
Ang Visayas Leg ay gaganapin sa Agosto 30-Setyembre 2 sa Cebu City Sports Center at susundan ito ng North at Central Luzon Leg sa Setyembre 7-9 sa Baguio Athletic Bowl.
Ang Mindanao Leg ay isasagawa naman sa Setyembre 21-23 sa Don Gregorio Pelaez Sports Complex sa Cagayan de Oro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.