Kongreso wala nang magagawa kung ‘sira ulo’ ang umupo sa BARMM- Zubiri
IBINIGAY na umano ng gobyerno ang Bangsamoro Organic Law at nasa sa kamay na ng mga magiging lider ng rehiyon kung papaano ito gagamitin upang gumanda ang buhay ng mga Filipino-Muslim.
Sa Meet Inquirer ngayong araw, sinabi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na wala ng magagawa ang Kongreso kung ang ihahalal na opisyal ng mga magiging bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay ‘sira-ulo’.
“Even if we give you the best vehicle, ‘bigyan natin ng Mercedes Benz’…. pero yung magda-drive nyan sira ulo pa rin and drives it out of the road and into the bangin wala talaga tayong magagawa, pero hindi na natin kasalanan yun,” ani Zubiri.
Sinabi ni Zubiri na ibinigay na ng Kongreso ang lahat ng maaari nitong ibigay alinsunod sa 1987 Constitution.
“We gave them the best that we can, in terms of fiscal autonomy even religious autonomy…. Sa tingin ko kung ayaw pa nila nito, wala na tayong mabibigay pa na iba,” dagdag pa ng senador.
Inilarawan ni Zubiri ang BOL na ‘ARMM plus’ na 10 beses na mas maganda kaysa sa kasalukuyang ARMM.
Umaasa si Zubiri na makikiisa ang mga rebeldeng grupo upang magtagumpay ang BOL sa pagpapaganda ng buhay ng mga taga-BARMM.
Inaasahan naman na magkakaroon na ng plebisito para sa mga lugar na nais na makasama sa BARMM sa Nobyembre.
Makikipagtulungan umano ang Senado at Kamara de Representantes sa Commission on Elections upang magkaroon ito ng budget para sa plebisito.
Nangako na rin umano ang Department of Budget and Management na hahanapan ng pondo ang pagpapatupad ng BOL matapos itong hindi pondohan sa ilalim ng 2019 national budget.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.