BuCor personnel inambush sa Leyte: 3 patay; outgoing prison chief, 1 pa sugatan
TATLO katao ang nasawi at dalawa pa, kabilang ang kababa lang na hepe ng Leyte Regional Prison, ang nasugatan nang tambangan ng armadong kalalakihan ang mga tauhan ng Bureau of Corrections sa bayan ng Abuyog, bago mag-tanghali Lunes.
Kabilang sa mga sugatan si Supt. Geraldo Aro, na nilalapatan ngayon ng lunas sa isang pagamutan sa Tacloban City, sabi ni Supt. Alberto Renomeron Jr., tagapagsalita ng Leyte provincial police.
Tumanggi muna si Renomeron na sabihin ang pangalan ng mga nasawi’t iba pang sugatan, habang ipinapaalam pa sa pamilya ang kanilang sinapit.
Naganap ang insidente dakong alas-11:45, sa Brgy. Cadac-an.
Sakay sina Aro ng isang Toyota Hi-lux, na marked vehicle ng BuCor, nang pagbabarilin.
“‘Yung outgoing regional prison chief, after mag-turnover kaninang umaga, papunta ng airport pauwi sa kanila, nung tinambangan sila,” sabi ni Renomeron nang kapanayamin sa telepono.
“Sa initial investigation, sinundan ‘yung sasakayan nila ng dalawang van. ‘Yung isa, parang binack sila tapos ‘yung isa ang pumutok,” aniya pa.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon para malaman ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin, ani Renomeron.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.