Traydor: Katakawan ng patpating female celeb ipinagkakalat ng kaibigang aktres
ISANG grupo ang nakakuwentuhan ng aming source nu’ng isang gabi. Tungkol ‘yun sa dating magandang samahan ng dalawang babaeng personalidad na nauwi sa maasim na sitwasyon.
Magkasama sila sa isang network, magkaibigan ang kanilang turingan, pero nagkaroon ‘yun ng lamat nang malaman ni Female Personality A na sa talikuran pala ay ginagawa siyang katatawanan ni Female Personality B kahit hindi naman ito komedyana.
Kuwento ng aming source, “Kapag magkaharap sila, e, okey na okey sila, tawanan sila nang tawanan, parang walang makapaghihiwalay at makasisira sa friendship na meron sila.
“Totoo naman ‘yun, wala talaga, dahil ang pagkasira ng pagkakaibigan nila, e, nanggaling sa loob mismo,” simulang chika ng aming impormante.
Palagi silang magkasama sa trabaho, parang kambal nga ang tawag sa kanila ng marami, dahil kung saan nandu’n ang isa ay siguradong nandu’n din ang isa.
“Nakarating kasi kay Female Personality A na kapag wala pala siya, e, kung anu-anong kuwento ang sinasabi ng friend niya tungkol sa kanya. Tawanan naman nang tawanan ang nasa paligid kapag bumabangka na sa kuwentuhan si Female Personality B.
“E, may mga nakakarinig pala sa kanyang mga kuwento na malapit kay Female Personality A, kaya ayun, nakarating sa kanya ang mga pinaggagagawa ni Female Personality B!
“Nakakaloka nga naman ang mga kuwento ng kanyang bestfriend pa namang itinuturing. Ikinukuwento pala nu’ng isa na para raw siyang karpintero kung kumain! Napakaliit daw ng bibig niya, saka wala namang umbok ang tiyan niya, pero kung kumain siya, e, mas masahol pa siya sa isang gutom na gutom na the carpenter!
“At ang pinagkainan daw ni Female Personality A, e, hindi na kailangan pang hugasan ng utility. Kasi raw, e, parang dinilaan ng pusang gutom ang tray na pinagkakainan niya!
“Ang sakit-sakit nga naman nu’n, di ba? Mismong friend pa niya ang nagkukuwento ng katakawan niya! Sana man lang daw, e, sa iba na lang ‘yun nanggagaling, hindi sa itinuturing niyang parang kapatid na!
“Nagkaroon sila ng distance nu’n, umiwas na si Female Personality A sa kasamahan niya, may namagitan lang na common friends nila, kaya nagkabati uli sila!
“Pero mula nu’n, e, hindi na sumasabay kumain si Female Personality A sa kanyang friend. Mahirap na nga naman, baka ulitin na naman nu’ng isa ang kuwento kung gaano siya kalakas kumain!” tawa nang tawang chika ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, wala nang clue, ha? Kilalang-kilala n’yo ang payatot na female personality na ang gana-gana naman kasi talagang kumain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.