Twice-to-beat incentive asinta ng Alaska Aces
Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Alaska vs Phoenix
7 p.m. GlobalPort vs Barangay Ginebra
Team Standings: Rain or Shine (9-1); Alaska (7-3); TNT (7-3); Meralco (7-4); San Miguel Beer (6-4); Barangay Ginebra (5-5); GlobalPort (5-5); Magnolia (5-5); Phoenix (4-6); Columbian (4-7); NLEX (2-9); Blackwater (1-10)
IPAPARADA ng Alaska Aces ang bagong import na si Diamon Simpson sa pagnanais na masungkit ang ikalawang silya na may twice-to-beat incentive sa unang round ng playoffs sa 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Makakasagupa ng Alaska sa pinakahuli nitong laro sa elims ang palabang Phoenix na kailangang manalo para manatiling buhay ang tsansang makapasok sa playoffs.
Mag-uumpisa ganap na alas-4:30 ng hapon ang laro sa pagitan ng Alaska at Phoenix bago ang isa pang importanteng laban sa pagitan ng GlobalPort at Barangay Ginebra umpisa alas-7 ng gabi.
Nagpasya ang Aces na ibalik ang champion import nito na si Simpson kapalit ni Antonio Campbell sa huli ngunit napaka-importanteng laro kung saan hindi lamang nito hangad maputol ang nalasap na dalawang sunod na kabiguan kundi maokupahan ang ikalawang puwesto na may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Dumating sa bansa si Simpson noong Biyernes at inaasahang bibitbitin muli ang Aces sapul na ihatid nito ang koponan sa 2010 PBA Fiesta Cup championship.
“Yes, he’s in pretty much in shape since he just came from a league in Turkey,” pagkumpirma ni Alaska team manager Dickie Bachmann.
Ipinaliwanag ng Alaska management na nagdesisyon si Campbell na putulin ang kanyang kontrata sa Aces dahil sa nakatakda itong maglaro sa nalalapit na NBA Summer League.
Nagdesisyon din magpalit import ang Alaska matapos malasap ang magkasunod na kabiguan na kabilang dito ang 86-105 pagkatalo kontra Barangay Ginebra sa huli nitong laro at mahulog sa pakikipagtabla sa 7-3 record kasalo ang TNT KaTropa sa ikalawang puwesto.
Puwersado ang Aces na manalo upang masiguro ang tsansa nito sa pinag-aagawang ikalawang puwesto para sa natitirang twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa inaasahan na magpipilit magwagi rin na Fuelmasters para makaagaw ng silya sa kailangang walong koponan sa susunod na labanan.
Bitbit ng Phoenix ang 4-6 panalo-talong kartada na kinakailangan nitong ipanalo upang umasa na makahablot mismo ng playoff para sa No. 8 spot at huling quarterfinals berth.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.