Nakaw na halik | Bandera

Nakaw na halik

Lito Bautista - May 11, 2018 - 12:10 AM

MAY mga pagkakataon na kailangang masaktan, layuan at kutyain dahil iyon ang makabubuti. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 16:22-34; Slm 138: 1-3, 7-8; Jn 16:5-11) sa Martes sa ikaanim na linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Hindi ako nababahala sa kinasadlangan nina Wanda at Ben, yan man ay ang kinahantungan. Ang mga Gawa at sulat ng mga apostol nang bumalik sa Ama si Jesus sa may Betania ay mahinahon at mapagpatawad. Kung ano ang kinuha, isoli. Kung ano ang dinala, ibalik. Mas malupit pa nga ang batas ng tao, na di pa dinidinig ay hinusgahan na, tulad ng tsismosang kapitbahay, o ng kuyog sa harap ni Pilato kaya pinakawalan si Barabas.

Sige. Isoli na ang P60 milyon. May pagkakahawig yan sa utos ni Jesus na kausapin agad ang kapatid na nagreklamo bago pa man makarating sa paglilitis. Kapag umakyat sa husgado, may tungkulin ang huwes na ipahuli ang kapatid sa tanod. Kung maiiwasan, ayaw ni Jesus na may makulong. Si Marcos nga ay nagsoli; kinarukot nga lang ng namahala sa yaman. Isang bagay lang ang di maisosoli: nakaw na halik.

Sa kampanya sa halalan sa barangay, nagising na sa katotohanan ang isang sekta sa North Caloocan. Di na nila sinuportahan ang mga kandidato o re-eleksyonista na may bahid droga. Kung sa nakaraang mga kampanya, tanggap pa ang “dipindi.” Ngayon, “di puwidi” na. Di na pala perahan; purihin.

May mga barangay sa southern Bulacan na simputi ang bihis sa Pagbabagong Anyo (Transfiguration) ng mga kandidato’t reeleksyonista. Kung di na babalik sa dating ugali, at talagang nagbago na dahil sa takot na mapatay sa operasyon, mapagpatawad naman ang taumbayan; mangako lang na di na uulit. May makababalik na dating nasa droga at may mga reeleksyonista na muli pang mananalo. At dahil kilala sila ng taumbayan, bantayan na lamang para di na makapagdroga.

 

Wala namang pakialam ang magtataho kay Sereno. Pero may pakialam ang barbero, na nanonood o nakikinig ng balita habang nag-aahit. Kung barbero si Sereno, hindi siya makapanggugupit dahil nagsinungaling siya na marunong siyang manggupit. Pero, ang barbero sa mall na binigyan ng P500 tip ng pro-Sereno customer ay agad na sasang-ayon na mali ang quo warranto. Siyempre, dalawang Aquinong pampatalino yan. Gayunpaman, ang simpleng aral, huwag magsinungaling.

UST (Usaping Senior sa Talakayan, Mt. View, Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan): Hindi inantok ang lahat ng lolo’t lola dahil ang pahapyaw na tinalakay ay diborsyo, na nais ni Pantal (palayaw Bulakeno) Alvarez. Kawawa raw ang babae dahil pagkatapos ng divorce, di na siya makapagsasam pa ng (mga) kaso. Pero, ayon sa mga lolo’t lola, mas kawawa sila dahil sa kanila iniwan ang mga apo. At bagaman kawawa sila, nakangiti pa rin sila. Kaya nga sa nakalipas na graduation sa preschool at kinder, mga lola, di mga magulang, ang nasa entablado para sa mga bata, dahil sa hiwalayan.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Prenza 2, Marilao, Bulacan): Napakaraming panlabas na problema ang bawat mahirap na pamilya at ang mabigat na pasanin araw-araw ay ang gintong (presyo) bigas para sa arawang obrero. Di na kaya ng suweldong Bulacan. Nawa’y tumulong si Duterte para ibaba ang presyo ng bigas. Ang pakikibahagi ng tatlong pinakamahirap na ama sa Nilayan: sa taimtim na panalangin, sumisibol ang paraan mula sa masaganang Awa ng Banal.

PANALANGIN: Sa pagsunod namin sa Iyo, makita nawa namin ang tama at mali. Pandesal, Claret.

MULA sa bayan (0916-5401958): Hindi namin alam ang pederalismo pero ang sabi sa amin ng politiko, ito raw ang suportahan. …7600, Bading, Butuan City

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending