Columbian Dyip sinagasaan ang Rain or Shine Elasto Painters
Mga Laro sa Biyernes (May 11)
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Phoenix vs NLEX
7 p.m. Barangay Ginebra vs Blackwater
NAGPAKITA ang Columbian Dyip ng matinding kaseryosohan na maitala ang pinakamagandang kampanya sa pagpapalasap ng unang kabiguan sa Rain or Shine Elasto Painters, 104-96, sa eliminasyon ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Miyerkules sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Sinandigan ng Dyip ang import na si Bailey John Fields, na nagtala ng 34 puntos, 11 rebound at 5 assist, simula pa lamang sa umpisa ng laro kung saan nagawang itala ng koponan ang 31 puntos sa unang yugto habang nilimita ang Elasto Painters sa 28 puntos upang kapitan ang tatlong puntos na abante.
Nagawa pang itala ng Dyip ang pinakamalaki nitong abante na 11 puntos sa ikalawang yugto sa 51-40 bago tinapos ang first half ng laban na hawak ang limang puntos na abante, 58-53, na kinapitan nito tungo sa pagsungkit sa ikatlong panalo sa loob ng limang laro.
Nagpilit na makalapit ang Elasto Painters na nagawang maghabol sa tatlong puntos na lamang mula sa layup ni Gabe Norwood, 94-97, may 2:48 sa laro, subalit agad itong pinigil ng Dyip upang maputol ang pagwawagi nito sa tatlong sunod na panalo at patikimin ito ng pagkatalo.
“We hope we could sustain our game like what we had played. We hang on to the lead and keep it safe especially when the other team is catching up,” sabi ni Fields, na ikalawang import ng Dyip.
Inihulog ng Dyip ang pitong sunod na puntos tampok ang layup at dalawang free throw ni Roider Cabrera bago ang dalawa pang free throw ni Fields na nag-angat pa sa kanilang kalamangan sa 102-94 tungo sa pagsolo nito sa ikatlong puwesto sa bitbit na 3-2 kartada.
Tumulong para sa Dyip si Rashawn McCarthy na nagtala ng 23 puntos, 6 rebound at 4 assist habang nag-ambag din ng double-double si Jeremy King sa itinalang 13 puntos at 10 rebound.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.