Arjo, Sue walang arte sa halikan: Share pa nga kami ng mouthwash!
FOLLOW-UP ito sa nasulat namin tungkol kay Arjo Atayde na bagay na bagay sa kanya ang role na lawyer sa teleseryeng Hanggang Saan kung, lalo na sa eksenang dinikdik niya nang husto si Ariel Rivera sa witness stand.
Isa pala talaga ito sa dream role ng aktor. Inamin ito ni Arjo nang makatsikahan namin pagkatapos ng finale presscon ng Hanggang Saan nitong nakaraang Martes.
“It’s one of my dream role, tita kaya talagang inaral ko, well medyo hirap ako sa mga terms lalo na kapag Tagalog, medyo bulol kasi ako sa Tagalog, but talagang inaral ko po ‘yun,” saad ng binata.
Inalam namin kung plano niyang kunin ang kursong ito since hindi pa siya tapos mag-aral.
“Naku, tita, malabo kasi hindi po kakayanin ng schedules ko. Dapat tutok ka kapag Law ang kinuha mo. For me po, hindi ko kaya,” pag-amin ng binata.
Dagdag pa ng anak ni Sylvia Sanchez, “Ang daming opportunities kasi ngayong dumarating sa akin, so ayaw kong pakawalan ito dahil ang tagal kong naghintay so, pagbubutihin ko talaga. Mahirap pakawalan kasi minsan lang ang ganitong chance.”
Bukod sa seryeng Hanggang Saan, may apat na pelikulang gagawin si Arjo under Star Cinema, Regal Films, Reality Films at isang indie film kung saan makakasama niya uli ang inang si Ibyang.
Walang binanggit sa amin si Arjo kung may kasunod na agad siyang teleserye pagkatapos ng Hanggang Saan dahil nga magiging abala na siya sa shooting ng pelikula.
Samantala, binanggit namin kay Arjo ang pambubuking ni Sue Ramirez na bago raw kunan ang kissing scene nila sa HS ay nagsi-share sila ng mouthwash.
Tawa nang tawa ang aktor, “Ay opo. Ganu’n kami ka-open ni Sue, wala kaming inhibitions sa katawan. Nu’ng sinabing may kissing scene na, naunang nag-mouthwash si Sue, tapos sabi ko, ‘Akin na, ako naman sabay (lagok).’ Ganu’n kami tita, walang hiya-hiya.”
Diretsong tanong namin kay Arjo kung hindi ba nagseselos ang girlfriend niya sa mga kissing scene nila ni Sue? “Hindi po tita, alam niya ‘yun at saka solid ArSue fan siya,” masayang sabi ng aktor.
Nabanggit ding nagkakilala na sina Arjo at ang rumored boyfriend ni Sue na si Joao Constancia na miyembro ng Boyband PH.
“Yes, okay kami. Walang ilangan,” saad ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.