NAPAKAMOT ng ulo si manong driver nang magpakarga siya ng krudo para sa kanyang ipinapasadang jeepney kahapon.
Umabot na kasi sa P40 ang kada litro ng diesel sa refilling station kung saan siya nagpapakarga.
Kung dati ay gabi pa lang ay nagpapa-full tank na siya para dire-diretso ang biyahe kinabukasan, ngayon ay ilang balik siya sa gasolinahan dahil hindi kaya ang magpa-sagad (lengguwahe ng gasoline boy na ang ibig sabihin ay hanggang leeg ng tangke ang ikakarga) dahil sa mahal na ng presyo.
Nung P23 lang kasi ang kada litro ng diesel ay mahigit P1,000 lang ang full tank niya. Ngayon ay nasa P2,000 na. Kung magpapakarga siya ay halos wala na siyang maiuuwi sa pamilya dahil hindi naman papayag ang operator na hindi buo ang boundary nya.
At iniisip-isip na rin niya ang paghina ng biyahe dahil magbabakasyon na. Kapag walang eskuwela ay nababawasan ang mga pasahero.
Ang isang pag-asa niya ay mawala na ang mga kolorum na kakumpitensya niya sa pagkuha ng mga pasahero. Kung wala na ang mga kolorum ay mas madaragdagan daw ang maaari nilang maisakay.
At kung dadami rin daw ang manghuhuli sa mga bulok na jeepney mababawasan pa lalo ang kumpitensya sa pasahero bukod pa sa medyo luluwag ang trapik dahil mababawasan ang sasakyan.
Yun nga lang kung mababawasan ang jeepney ay kawawa ang pasahero, pero mas sigurado naman na puno ang kanyang jeep kaya kahit paano ay madaragdagan ang kanyang kita.
Noong umpisa taw ng kampanya ng Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok ay hindi bumibiyahe ang mga lumang jeepney sa takot na mahuli. Pero ngayon parang wala na umano silang nababalitaan na nahuhuli at bumibiyahe na naman ang mga lumang jeepney na hindi pa nahuhuli.
Tanong tuloy niya, ano na nga ba ang nangyari sa sinasabi ni Pangulong Duterte noon na aalisin niya ang mga bulok na jeepney?
At ano na nga daw pala ang nangyari sa mga petisyon nila para sa mas mataas na pamasahe?
Bakit daw ganun? Hindi naman nila naramdaman ang bawas-buwis dahil sa Train Law pero pasan-pasan nila ang dagdag na buwis sa produktong petrolyo.
***
May naalala naman ang isang motorista, nasaan na nga taw pala ‘yung plaka na binayaran nila ilang taon na ang nakakaraan?
Dalawang taon na si Pangulong Duterte sa puwesto (halos dalawang taon dahil Hunyo 30, 2016 siya opisyal na umupo sa Palasyo) ay wala pa rin ang kanilang plaka.
Akala daw ba nila mabilis umaksyon ang gobyerno ito. Hindi lang daw adik ang problema na dapat aksyunan.
***
Question. Bakit takot ang Malacañang sa rally? Di ba dapat ang gobyerno ang nasusunod?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.