Narvasa nakadalawang sunod na lap win sa Ronda Pilipinas 2018
INANGKIN ni Junrey Navara ng Navy-Standard Insurance ang ikalawang sunod na lap victory Sabado sa pagwawagi sa 92.72 kilometrong Stage 11 para iuwi ang korona bilang King of the Mountain habang pumangalawa ang kakampi na si Ronald Oranza upang siguruhin at koronahan ang sarili bilang bagong kampeon kahit may isa pang natitirang lap sa Ronda Pilipinas 2018 sa Calaca, Batangas.
Naorasan ang 26-anyos na si Navara ng kabuuang 2 oras at 28:13 minuto upang itala ang ikalawang sunod nitong panalo matapos unang pamunuan ang Tagaytay-Calaca Stage 10 Biyernes na nagsiguro rin sa kanyang ikaapat na titulo bilang King of the Mountain at umakyat mula sa ikalima hanggang ikatlo sa overall individual race.
Si Oranza, na pumangalawa kay Navara sa yugto sa 2:28:13 oras, ay nanatili nang nakasemento sa korona sa oras nito na 32:43:13 at selyuhan ang kanyang unang titulo sa Ronda habang ginawa na lamang na victory ride ang isasagawa ngayon na Stage 12 criterium sa Filinvest, Alabang.
“Nararamdaman ko na akin na ito. Nagsisimula ko na maramdaman,” sabi ng 25-anyos na si Oranza, na private first class sa Navy at mula sa Villasis, Pangasinan.
Kinumpleto rin ni Oranza ang dominasyon sa ikawalo nitong podium finish. Ang walo ay kabilang ang pagwawagi nito sa Vigan Stage One criterium, ang Vigan-Pagudpud Stage Two at Tarlac Stage Seven Individual Time Trial.
“Ito po ang produkto ng training at pagsali naman sa mga karera dito at abroad,” sabi ni Oranza, na ang best finish ay ikalawa kay Morales dalawang taon na ang nakalipas at ikatlo kay 2013 champion Irish Valenzuela ng CCN Superteam.
Abot kamay na rin ni Oranza ang nakatayang top purse na P1 milyon at dagdag na P300,000 premyo mula sa Boy Kanin franchise sa karera na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Si Jan Paul Morales ng Navy, na kampeon sa nakalipas na dalawang edisyon, ay nakahanda na magkasya lamang sa second overall sa 32:54:49 at mauwi ang Petron Sprint King sa natipon na 104 puntos.
Iuuwi naman ni Navara, ang rider na may bigat lamang na 47 kilo mula General Santos, ang kanyang ikaapat na King of the Mountain trophy matapos pantayin ang mga bulubunduking akyatin sa Batangas at Cavite. Nagawa rin ni Navara na umakyat sa third overall sa 33:04:37 mula sa ikalimang puwesto.
“Akyatin po talaga ang paborito ko,” sabi ni Navara.
Nahulog naman si George Oconer ng Go for Gold mula sa pagiging No. 3 tungo sa No. 4 sa 33:10:00 habang si John Mark Camingao ng Navy ay nalaglag mula sa No. 4 pababa sa No. 5 sa 33:10:53.
Nasa Top 10 sina Cris Joven ng Army-Bicycology (33:13:06), Boots Ryan Cayubit ng Go for Gold (33:15:35), El Joshua Cariño ng Navy (33:17:05), Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team (33:19:48) at Rudy Roque ng Navy (33:21:37).
Iuuwi rin ng Navymen ang team overall sa kabuuang oras na 129:20:35 habang ikalawa ang Army-Bicycology na may natipong oras na 131:03:19 at Go for Gold Developmental team na may nalikom na 131:06:26 oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.