MATAPOS lumutang ang pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte na pwede at kaya niyang maging Speaker ng Kamara sa susunod na Kongreso ay umusbong din sa mga umpukan ng mga kongresista ang pangalan ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Dati nang lumutang ang pangalan ni GMA sa mga posibleng speaker, bago pa ang administrasyong Duterte.
Nasa huling termino na si GMA na binabantayan ng ilan, kung tatakbo sa pagkasenador o maggo-governor ng Pampanga.
Dahil wala pa naman si Mayor Sara sa Kamara kaya kung magiging speaker siya ay sa next Congress pa.
Ibig sabihin, posibleng matapos ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang kanyang termino bilang speaker—hanggang sa 2019 pa ang termino ng mga kongresistang nakaupo ngayong 17th Congress—at mapapalitan lamang siya kung tatanggalin siya.
Ang tanong, papayag ba naman si Pangulong Duterte, e kaibigan niya si Alvarez? O kung hindi makikialam ang Pangulo gaya nang ginawa niya sa “away” nina Alvarez at Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo na pareho niyang kaibigan.
Hindi lihim na marami sa mga kongresista ngayon ay nagmano kay Arroyo noong siya ang Pangulo.
Marami sa kanila ay natulungan ni Arroyo one way or the other.
Kung tatakbo si GMA sa pagka-speaker ay hindi maikakaila na magiging banta siya.
Hindi naman ito ang first time na may natanggal na speaker, kung saka-sakali.
Pero ang first time kung mangyayari ito ay ang pagkakaroon ng unang babaeng speaker.
Noong panahon ni GMA, pinalitan bilang speaker si Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr., nang umasim ang relasyon nito sa Palasyo. Siya ay pinalitan ni Davao City Rep. Prospero Nograles.
Si Arroyo ang gagawa ng kasaysayan. Dagdag ito sa rekord ni Arroyo na unang pangulo sa ilalim ng 1987 Constitution na tumagal ng siyam na taon sa Malacanang.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami nnag alisin si GMA bilang House deputy speaker dahil sa kanyang paninindigan laban sa death penalty kahit pa nagbanta na si Alvarez na parurusahan ang mga miyembro ng administration coalition na boboto laban dito.
Si GMA ay miyembro na rin ng PDP-Laban na partido ni Pangulong Digong. Parang si Nograles na miyembro ng Lakas-Kampi nang palitan niya si de Venecia.
Kung magiging speaker si GMA, si Alvarez kaya ang magiging minority leader?
Teka akala ko ba ang Hugpong sa Pagbabago ni Mayor Sara ang oposisyon?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.