Divorce bill inaprubahan ng House panel
Inaprubahan na ng House committee on population and family relation ang panukalang divorce bill. Ihahanda na ang inaprubahang bersyon ng panukala upang maipadala na sa plenaryo para mapagbotohan sa ikalawa at ikatlong pagbasa. Dumalo sa pagdinig kahapon si House Speaker Pantaleon Alvarez na isa sa mga may-akda ng panukala at hiwalay na sa kanyang misis na si Emily. Maaaring maghain ng divorce ang mga asawa na binubugbog ng kanilang kapareha at kung pinipilit ito na magpalit ng relihiyon o political affiliation, kung pipilitin ang kanilang anak na pumasok sa prostitusyon, kung ang kapareha ay makukulong ng anim na taon o higit pa, kung adik, alcoholic at lulong sa sugal ang asawa, kung homosexual, at kung nakiki-apid at mayroong anak sa iba. Sa ilalim ng panukala gagawing libre ang paghihiwalay ng mahirap na mag-aasawa. Wala umanong babayaran ang mga mag-asawa na ang paghahatiang ari-arian ay hindi lalagpas ng P5 milyon. Bukod sa libreng abugado, ang korte ay magtatalaga rin ng libreng psychologist at psychiatrist sa naghihiwalay na walang pinansyal na kakayanan. Ang mag-asawa na limang taon o higit pa na hindi nagsasama ay maaaring maghain ng petisyon sa divorce kasama ang kanilang plano sa kanilang mga anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.