Anim katao, kabilang ang isang ginang at dalawa niyang anak, ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong “Basyang” sa Caraga at Eastern Visayas regions nitong Martes.
Nasawi si Irene Benguillo, 33, at mga anak niyang sina AJ, 6, at MJ, 3, nang matabunan ng landslide ang kanilang bahay sa Carrascal, Surigao del Sur, ayon sa ulat ng Caraga regional police.
Tinamaan ng landslide ang bahay ng mga Benguillo sa Gawad Kalinga Housing, na nasa Purok 8, Brgy. Gamuton, dakong alas-5 ng umaga.
Nasa loob din ng bahay noon ang mister ni Irene na si James, pero natagpuan siyang buhay ng mga rescuer, ayon sa ulat.
Dinala ang mag-asawa at kanilang mga anak sa Carrascal Primary Health Care Facility, kung saan idineklarang patay sina Irene, AJ, at MJ.
Halos kasabay nito, nasawi din sa landslide ang isang 10-anyos na bata sa Brgy. Babuyan, doon din sa Carrascal, ayon naman sa isang ulat sa radyo.
Martes din ng umaga, dakong alas-7, nalunod ang 10-anyos na si Rosaline Gabeligno sa Purok 3, Brgy. Anislagan, Placer, Surigao del Norte.
Inanod ng malakas na agos ng tubig si Rosaline nang subukan niyang kunin ang isa niyang tsinelas na nahulog sa kanal, ayon sa pulisya.
Dakong alas-2 ng hapon, isa pang landslide ang naganap sa Albuera, Leyte, at ikinasawi ng 2-buwang sanggol na si Christian Jake Tumandao, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Nakaligtas ang ina ni Christian Jake na si Jenessa, at mga kapatid na si Rex, 3, at Kim, 7, matapos makaahon sa putik na tumabon sa bahay ng kanyang tiyuhin sa Upper Sitio Calingatnan, Brgy. San Pedro.
Di bababa sa 528 pamilya o 1,829 katao ang lumikas sa Surigao del Norte at Surigao del Sur dahil sa bantang pagbaha at landslide ng pagdaan ni “Basyang,” ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Mahigit 2,700 katao ang stranded sa mga pantalan ng Northern Mindanao, pati na sa Eastern at Southern Visayas, dahil sinuspende ang mga biyaheng dagat.
Tinatayang tatawid si “Basyang” sa Central at Western Visayas, habang nagdudulot din ng mga pag-ulan sa Zamboanga Peninsula at Central Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending