Final Four ng NCAA Season 93 volleyball hahataw na
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
9 a.m. St. Benilde vs Letran (juniors)
11 a.m. San Beda vs St. Beda (men)
2 p.m. San Beda vs Perpetual (women)
4 p.m. Arellano vs JRU (women)
TATANGKAIN ng Arellano University at San Beda College na agad makakuha ng silya sa finals sa pagsagupa nito sa nais makagawa ng upset na Jose Rizal University at University of Perpetual Help sa Final Four ng NCAA Season 93 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Bitbit ng Lady Red Spikers ang twice-to-beat na insentibo matapos na kumpletuhin ang eliminasyon sa kabuuang 8-1 panalo-talong record sa pagsagupa nito sa Lady Altas sa ganap na alas-2 ng hapon habang bitbit din ng Lady Chiefs ang parehong bentahe kontra sa Lady Bombers sa kanilang laban umpisa alas-4 ng hapon.
Asam ng Arellano ang ikalawang sunod na finals appearance kung saan umaasa ito na masusungkit ang ikalawang sunod na korona at ikatlo sa pangkalahatan habang hangad naman ng San Beda na makapasok sa title round sa kauna-unahang pagkakataon.
“Winning the title has always been our goal. But we need to focus in the Final Four first before thinking of anything,” sabi ni Arellano coach Obet Javier.
Tinapos ng Perpetual Help (7-2) at JRU (6-3) ang eliminasyon sa ikatlo at ikaapat na puwesto at kapwa asam na maitulak pa sa matira-matibay na laro ang semis sa Martes.
Sa una nilang pagtatagpo, kinapos ang Lady Altas kontra Lady Red Spikers, 26-28, 18-25, 27-29, noong Enero 11 habang ang Lady Bombers naman ay nabigo kontra Lady Chiefs, 11-25, 25-22, 18-25, 16-25, noong Enero 16.
Sa men’s division, magsasagupa ang San Beda at kasalukuyang kampeon na College of St. Benilde sa ganap na alas-11 ng umaga sa unang stepladder semis game kung saan ang magwawagi ay sasagupain ang No. 2 seed na Arellano sa Martes.
Winalis ng Perpetual Help ang elimination round, 9-0, upang awatomatikong umusad sa best-of-three men’s finals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.