Alam kaya ni Lapeña ang nangyayari sa BOC?
DAHIL pinaiiral na ni Pangulong Digong ang “Swiss challenge,” mawawala na ang public bidding sa mga malalaking proyekto at pamimili ng gobyerno.
Sa Swiss challenge, ang isang ahensiya ng gobyerno na may planong magsagawa ng isang proyekto, ay lalapitan ng isang pribadong kumpanya at sasabihin nito kung magkano ang kakailanganin at gaano katagal matapos ang proyekto.
Hahamunin niya sa publiko ang ibang kumpanya na pantayan o higitan ang kanyang alok. Kapag sinagot ang hamon, magka-counterbid naman ito.
Inaasahan na maaalis ang corruption at pagkaantala ng isang proyekto dahil sa Swiss challenge.
Pero paano ang mga maliliit na proyekto ng gobyerno, sasakupin pa rin ba ng Swiss challenge o tuloy pa rin ang public bidding?
Kapag tuloy pa rin ang public bidding, tuloy pa rin ang ligaya ng mga kurakot sa gobyerno.
Sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang mga corrupt officials ay iilagan ang Swiss challenge sa pamamagitan ng pagchop-chop ng, halimbawa, isang P200-milyon proyekto sa apat na proyekto na nagkakahalaga ng P50 milyon bawat isa.
Ang P50 milyon kasi ang ceiling o sagad na halaga ng isang proyekto. Ito’y binibigay sa mga district engineers.
Ang district engineer ay magtatatag ng bids and awards committee o BAC para sa public bidding.
Ang “SOP” o lagayan sa district BAC ay limang (5) porsiyento na binibigay ng nanalong bidder.
Ibig sabihin ng SOP ay standard operating procedure o dating gawain.
Ibig sabihin, sa P50 milyon na proyekto, P2.5 milyon ang mababawas sa winning bidder na siyang mamimili ng materyales at magsusweldo ng mga tao.
Wala pa rito ang kay congressman o mayor na nag-sponsor ng proyekto.
Kaya’t nakikita ninyo na nakasulat, halimbawa, sa mga billboard: Ang proyektong ito ay isinasagawa dahil sa pangungulit ni Congressman Pablo Kawatan (o Gov. Armando Rukot).
Ang SOP ay alam ng taumbayan.
At dahil kinunsinti ng taumbayan ang mga kawatan na DPWH engineers, ang resulta ay mga highway na madaling masira pagdating ng malakas na ulan o tulay na madaling anurin ng baha.
Tama lang na magdusa ang publiko dahil sa pangungunsinti nito sa mga kurakot sa gobyerno.
Sa maraming lalawigan, ang mga DPWH engineers ay malakas tumaya sa mga casino at sabu-ngan.
Nasa VIP lounge pa sila sa sabungan kasama ang mga kawatan na
congressman, gobernador at mayor.
***
Ang akala ba ninyo ay nawala na ang tara o tong collection sa Bureau of Customs matapos napilitang umalis si Commissioner Nicanor Faeldon?
Mas lumala pa raw ngayon sa Bureau of Customs sa pamamahala ni Commissioner Isidro Lapena, dating director general ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Reklamo ito sa inyong lingkod ng ilang mga taga customs at importers.
Dati raw, ayon sa mga nabanggit na sources, si Faeldon at ang kanyang mga dating ex-mutineers ang tumatanggap ng lion’s share sa tara at mga tingi-tingi na lang sa ibaba.
Pero ngayon, ang mga tauhan na dala ni Lapena sa customs na nanggaling sa PDEA ang pumalit sa pagkolekta ng tara, ayon sa aking sources.
In fairness to Lapena, binalik niya sa PDEA si Wilkins Villanueva, dati niyang trusted man, dahil daw sa pangungurakot, pero tuloy pa rin ang ligaya ng ibang dating PDEA. Kasama na rito ang isang kamag-anak na palaging ginagamit ang kanyang pangalan sa pagkolekta ng tara.
Alam kaya ito ni Lapena o nagmamaang-maangan lang siya?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.