Direktor ng ‘Kita Kita’ nabigo, nagbago ang pananaw sa kasal
INAMIN sa solong panayam namin kay direk Sigrid Andrea Bernardo pagkatapos ng presscon ng “Mr. & Mrs. Cruz” na matinding pressure ang nararamdaman niya kung ano ang magiging resulta sa takilya ng bago niyang pelikula.
Ang huling movie kasi na ginawa niya na “Kita Kita” ay umabot sa P320 million, at hindi pa kasama riyan ang kinita sa international release at distribution.
Aniya, “Yes, I have to admit na talagang pressured ako, pero ayokong isipin. Though maganda na may pressure pa rin para hindi ka dapat kampante lagi, pero hindi naman ‘yung getting into my nerve na isasaksak ko sa utak ko na kailangang kumita ito.
“Ang importante ay kumita pa rin kung okay siya. And this is my first mainstream movie, ‘Mr. & Mrs. Cruz’, and I’m happy sa Viva,” paliwanag ng direktor.
At dahil box-office director na ngang maituturing si Sigrid ay tumaas na ba ang talent fee niya sa “Mr. & Mrs. Cruz”?
“Tama lang naman. Hindi naman malaki na grabeng laki, pero tumaas naman,” tumatawang sagot niya sa amin.
Ang maganda pa ay si direk Sigrid din ang nagsulat ng script ng “Mr. & Mrs. Cruz” kaya bukod pa ang talent fee nito sa pagiging direktor.
Mukhang inspired ang direktor nina JC Santos at Ryza Cenon kaya tinanong namin kung may lovelife na siya dahil tanda namin ay nagkahiwalay sila ng kanyang boyfriend noong natapos niyang gawin ang pelikulang “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita.”
“Hindi ko kailangan kasi busy ako, work muna habang maraming offers,” mabilis na sabi sa amin.
At kahit naman siguro magkaroon ng karelasyon si direk Sigrid ay hindi naman mauuwi sa kasal.
“It’s a personal choice, ayoko lang, dati gusto ko. Actually, nagbago kasi naisip ko kapag nagpakasal, ang hirap maghiwalay?” natawang sabi niya sa amin.
Ano ba ‘yun, hiwalay kaagad ang inisip, e, wala pa nga siyang dyowa?
Samantala, may pinirmahang four year-contract si direk Sigrid sa Viva Films with six pictures, kaya inuumpisahan na raw niyang magsulat para makarami.
Mapapanood na ang “Mr. & Mrs. Cruz” sa Enero 24 mula sa Viva Films at IdeaFirst Company.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.