Daan-daang bahay wasak, 30 nawawala sa storm surge | Bandera

Daan-daang bahay wasak, 30 nawawala sa storm surge

John Roson - December 26, 2017 - 04:02 PM
Aabot sa 300 bahay ang napabalitang nawasak at 30 katao ang naiulat na nawawala sa Balabac, ang pinaka-timog na bayan ng Palawan, dahil sa mga “storm surge” o daluyong na dulot ng pagdaan ng bagyong Vinta doon, ayon sa mga otoridad. Naitala ang mga nawawalang tao at mga nasirang bahay nitong Linggo sa Brgy. Mangsee, na binubuo ng dalawang islang nasa hangganan na ng Malaysia, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-MIMAROPA. Naganap ang storm surge Sabado ng gabi, ilang oras matapos magsagawa ng pre-emptive evacuation ang mga residente. Sa datos na nakalap naman sa Navy, sinasabing marami ngang nasirang bahay at may mga nawawalang residente ng Mangsee. Nabatid na wala ring kuryente at paputol-putol ang cellphone signal doon kaya pahirapan ang pag-update sa kalagayan ng barangay. Napag-alaman din sa Navy na tatlong barko ang dineploy mula Puerto Princesa City, Martes ng umaga, para maghatid ng ayuda sa mga residente. Inaasahang dadating sa Balabac ang BRP Andres Bonifacio, BRP Simeon Castro, at BRP Teotimo Figoracion Martes ng gabi at makapagbababa ng kargamento ngayong araw (Miyerkules). Karga ng mga barko ang mga relief goods gaya ng bigas, gasolina, pagkaing de lata, at damit, pati ang ilang tauhang tutulong sa search and rescue operations, pagkumpuni ng linya ng komunikasyon at kuryente, at ilang residente ng Mangsee na galing Puerto Princesa. Ang Balabac ay ang huling bayan na tinamaan ni “Vinta” bago lumabas ng bansa ang bagyo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending