Bong makakasama ang buong pamilya ngayong Noche Buena sa labas ng Camp Crame
PAGKATAPOS nang tatlong taong pagkapiit sa PNP Custodial Center ay pansamantalang makakalaya ngayong araw na ito si dating Senador Bong Revilla para makasama ang kanyang pamilya sa Bacoor, Cavite.
Bitin man ang oras, bantay-sarado man siya ng mga security ng PNP, ay iba pa rin ang pagdiriwang ng Pasko na buong pamilya ang magkakasama.
Masayang-masaya si Senador Bong sa pagpayag ng Sandiganbayan para sa bitin sa oras niyang pagdalaw sa kanyang pamilya para makasama sa Noche Buena. At muli niyang mayayakap ang kanyang ama na dati’y pinapayagan din naman siyang makita pero nakaospital naman.
Para na naming nakikinita kung gaano kaligaya ang pamilya Revilla ngayong sila ang dadalawin ni Senador Bong at hindi sila ang magsasadya sa PNP Custodial Center.
Linggo-linggo, dumadalaw ang magkakapatid na Marlon, Rowena, Strike, Princess, Andeng at ang kani-kanilang pamilya sa senador, masasaya silang kumakain habang nagkukuwentuhan.
Lalo na si Mayor Lani Mercado, talagang hindi ito nagpapabaya, ihinahanap ng oras ng aktres-pulitiko ang regular na pagdalaw sa kanyang asawa. Hindi dahilan ang maghapong pag-iikot sa kanyang mga nasasakupan para lumiban si Mayora Lani sa pagdalaw sa kanyang mister.
Siguradong sasamantalahin ng pamilya ang muling pagbabalik ni Senador Bong Revilla sa kanilang makasaysayang bakuran. Kapos man sa oras, kailangan man niyang bumalik agad sa kanyang pansamantalang tahanan, ay magiging punumpuno ng saya at pagmamahal ang kanyang
Pasko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.