MIAMI — Naungusan ng Miami Heat ang San Antonio Spurs sa overtime, 103-100, Miyerkules para pumantay sa serye, 3-all, at makapuwersa ng winner-take-all Game 7 sa 2013 NBA Finals.
Bagaman malamya ang umpisa ni LeBron James ay tumapos pa rin siya na may triple-double na 32 puntos, 11 assists at 10 rebounds. Gumawa siya ng 16 puntos sa fourth period kung saan naghabol ang Heat ngunit nagkamit ng sunud-sunod na “blunder” sa huling minuto ng laban.
Mabuti na lamang at sinalba ang Heat ni Ray Allen na tumira ng tres para itabla ang iskor sa 95-all, may 5.2 segundo na lang ang nalalabi.
Nadepensahan naman ng Miami si Tony Parker sa huling play ng regulation time para mapunta sa overtime ang laban.
Umiskor ng layup si James para mabigyan ng 101-100 kalamangan ang Heat, 1:43 ang natitira sa overtime. Nagdagdag ng dalawang free throws si Allen para sa 103-100 kalamangan at natapal ni Chris Bosh ang huling tira ni Danny Green mula sa three-point area.
“If we were going to go down tonight, we’re going to go down with me leaving every little bit of energy that I had on the floor,” sabi ni James.
Nagdagdag ng 20 puntos si Mario Chalmers na tumira ng 4-of-5 mula sa three-point line para sa Miami. Si Dwyane Wade ay may 14 puntos at si Bosh ay may 10 puntos, 11 rebounds, 3 steals at 2 blocks para sa Heat.
Si Allen ay nagtapos na may siyam na puntos.
Ang Spurs ay pinangunahan ni Tim Duncan na may 30 puntos at 17 rebounds. Nagawa ni Duncan ang karamihan sa kanyang mga puntos sa unang tatlong quarters laban sa depensa nina Bosh at Chris Andersen.
Si Kawhi Leonard ay may 20 puntos at 11 rebounds at si Tony Parker ay may 19 puntos at walong assists para sa Spurs.
Hindi naman gaanong nakapag-ambag sa opensa sina Manu Ginobili at Danny Green sa Game Six.
Si Ginobili, na may 24 puntos at 10 assists sa Game Five, ay may siyam na puntos at walong turnovers kahapon habang si Green, na mayroon nang NBA Finals record na 26 three-pointers, ay may tatlong puntos lamang kahapon sa 1-of-7 field goal shooting.
Ang Game Seven ay nakatakda bukas umpisa alas-9 ng umaga.
“They’re the best two words in sports: Game 7,” sabi ni Heat coach Erik Spoelstra.
Lumamang ng 13 puntos ang Spurs, apat na minuto na lang ang nalalabi sa third period. Sa umpisa ng fourth quarter at pinahinga ni Spurs coach Gregg Popovich sina Parker at Duncan.
Pinagsamantalahan ito ni James na halos mag-isang binuhat ang Heat na umiskor ng layup para makuha ang 87-84 kalamangan.
Sumagot naman ng 10-2 rally ang Spurs para umangat sa 94-89, may 28 segundo na lamang ang nalalabi. Tumira ng tres si James para sa 92-94 iskor at nagbigay ng duty foul si Mike Miller kay Leonard na tumira ng split free throws para sa 95-92 lead.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.