BAGAMAT may isa pang larong nalalabi ay nakakasiguro na sa kampeonato ang pambato ng Pilipinas na si Al-Basher “Baste” Buto sa Boys 8 and under division ng 18th ASEAN Age Group Chess Championship na ginaganap sa Grand Darul Makmur Hotel sa Kuantan, Pahang, Malaysia.
Binigo ni Buto ang kababayan na si Vincent Ryu Dimayuga sa round 7 kahapon para sa kanyang ikapitong sunod na panalo sa torneyo.
At kahit pa mabigo ang tubong Marawi City na si Buto sa huling round laban kay Mohd Faizal Muhd Harris Halie ng Malaysia ay maiuuwi pa rin nito ang titulo sa prestihiyosong age-group chess tournament na ito.
Tinalo rin niya ang mga nakatapat na sina Ruslan Pamplona ng Pilipinas sa round 1, Syed Hashim Azmi Syed Firdaus ng Malaysia sa round 2, Wicaksana Muazzam Bilal ng Indonesia sa round 3, Kavin Mohan ng Malaysia sa round 4, Lai Hong Jun ng Malaysia sa round 5, at si Adnan Habibur Rahman ng Malaysia sa round 6.
Si Buto, na isang grade 2 student ng Faith Christian School, ay nagwagi rin ng gintong medalya sa 13th Asian Schools Chess Championship nitong Hulyo na ginanap sa Liaohe Art Museum sa Panjin, China.
Nagbigay naman ng mensahe si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) vice president Atty. Cliburn A. Orbe patungkol sa tagumpay ni Buto.
“Traditionally mas malakas showing natin sa rapid and blitz than standard event. But they’re dominating the standard events now unlike last year,” wika ni Orbe. “You make the country proud.”
Samantala, namayani sina Mecel Angela Gadut ng Candon City at Kaye Lalaine Regidor ng Sta. Rosa sa kani-kanilang katunggali para magsalo sa liderato sa Girls 8 and under.
Tinalo ni Gadut si Vissnupriya Prushotman ng Malaysia habang tinisod ni Regidor si Hafiya Imana Zaba ng Malaysia para kapwa umiskor ng 6.0 puntos sa pitong laban.
Panalo rin si Jirah Floravie Cutiyog ng General Santos City kay Mohd Zakiyuddin Nur Fatnin Uz ng Malaysia para sa kanyang ika-5.0 puntos gaya ng naitala ni Afiqah Zahra Salihin ng Malaysia na nanaig naman sa kababayan niyang si Zainal Abidin Eidil Khadijah.
Sa Boys 12 and under division ay pinadapa ni Michael Concio Jr. ng Los Banos, Laguna si Mahmood Shah Mukhriez Shah ng Malaysia para manatili sa liderato sa perfect score na 6.0 puntos sa anim na laro.
Ang kanyang Round 7 opponent ay ang kababayang si Mark Jay Bacojo ng Pasig City na nagwagi kay Budhidharma Nayaka ng Indonesia kahapon tungo sa total na 5.0 puntos.
Natalo naman si Gabriel John Umayan ng Davao City kay Chandrasekaran Yuvaneshwaarra ng Malaysia at napako sa 4.0 puntos kaparehas ng naitala ni Wesley Jovan Magbanua ng Davao City na nagwagi kay Mohd Rodzi Muhd Raziq ng Malaysia.
Sa Girls 12 and under, nagwagi si Jerlyn Mae San Diego ng Dasmarinas, Cavite kay Eunice Tang En Shi ng Malaysia para umangat sa 5.0 puntos at manatili sa likod ng solo lider na si Latifah Laysa ng Indonesia na may 6.0 puntos.
Sa Boys 14 and under, kasama ni Daniel Quizon ng Dasmarinas, Cavite si Dicky Adiyta ng Indonesia sa liderato na may tig 5.0 puntos. Magtutuos ang dalawa sa round 7.
Sa Girls 14 and under ay nanaig si Regina Catherine Quinanola ng Cebu sa kababayang si Ruth Joy Vinuya ng Ilagan, Isabela sa Round 6 para manatili sa medal race.
Makakalaban ni Quinanola si solo leader Woman Candidate Master Jia-Tien Chua ng Malaysia sa 7th round. Tabla si WCM Chua kay Tang En Xin Esther ng Malaysia. Si WCM Chua ay may 5.5 puntos, full point ahead kina Quinanola at Esther na may tig 4.5 puntos.
Ang iba pang age grouper na nasa kontensiyon sa medal race ay sina Karlycris Clarito Jr. ng Pasig City (5.5 points) at Cedric Kahliel Abris ng Mandaluyong City (5.5 points) sa Boys 10 and under; Ruelle Canino ng Cagayan de Oro City (6.0 points), Antonella Berthe Racasa ng Marikina City (5.5 points) at Daren Dela Cruz (5.5 points) sa Girls 10 and under —Marlon Bernardino
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.