De Castro hindi galit kay Sereno kaya nagsalita
Itinanggi ni Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro na galit siya kay SC Chief Justice kaya tumetestigo siya laban dito.
Ayon kay de Castro hindi emosyon ang kanyang pinapairal sa pagganap sa kanyang trabaho.
“Matagal na akong justice, 20 taon na po. Wala pong karapatan ang isang tao na maging justice kung affected ng emotions,” ani de Castro.
Tinanong si de Castro ni Siquijor Rep. Ramon Rocamora kung mayroon itong bias kay Sereno dahil nakalaban niya ito sa shortlist sa pagiging chief justice noong 2012.
“‘Yan ang isang bagay na hindi ko pinaiiral sa’kin kasi kung ganyan ako na puro emotions at puro feelings, dapat po umalis ako sa husgado,” dagdag pa ni de Castro.
Si de Castro ay limang taon ng mahistrado ng SC samantalang si Sereno ay dalawang taon pa lamang bago ito naitalaga bilang chief justice kapalit nang tinanggal na si Renato Corona.
Tinanong ni Rocamora si de Castro kung na-upset ito ng si Sereno ang italaga bilang CJ.
“Itong pag-appoint kay CJ Sereno, ano po magagawa ko? The president (President Benigno Aquino III) appointed her.”
Nagsalita si de Castro laban kay Sereno dahil sa paglabag umano nito sa mga polisiya ng SC.
“I cannot stand idly by when the collegial body of the Supreme Court mandated by the constitution is being undermined. What kind of justice am I if I just accept what is happening that is not in accordance with the law?”
Iginiit ni de Castro na mayroong batayan ang kanyang mga sinasabi laban kay Sereno at hindi ito batay sa emosyon.
“Tingnan ninyo ‘yung aking mga ginawa kung meron basehan. Kapag walang basehan, doon ninyo sabihin na itong aking mga ginagawa ay dahil lang sa aking emotion,” ani de Castro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.