Drug case ni Cogie susukatin ang galing ng tatay bilang abogado
INABANGAN namin ang interview ni Cogie Domingo sa Kapuso Mo, Jessica Soho nu’ng Linggo nang gabi.
‘Yun ang unang mahabaang panayam kay Cogie mula nang makaladkad ang kanyang pangalan sa usapin ng droga.
Nakulong siya nang halos isang linggo, nagpiyansa nang dalawandaang libong piso, may kaso siyang kailangang harapin ngayon para idepensa ang kanyang sarili sa ginanap na buy bust operation ng PDEA.
Nagpauna na ang mga tauhan ng PDEA na hindi naman si Cogie ang kanilang pakay, nagkataon lang na nasa lugar ang guwapong aktor, kaya pati siya ay binitbit din sa presinto.
Maganda ang daloy ng interview ng paborito naming si Jessica Soho (regular naming tinututukan ang kanyang programa tuwing Linggo nang gabi) dahil ikinumpara nito ang nangyari kay Cogie sa naging makabuluhan niyang papel bilang batang bilanggo sa pelikulang “Deathrow.”
Disisais anyos lang siya du’n, pero lutang na agad ang husay niya sa pagganap, lalo na sa eksenang binubugbog siya. Sariwang-sariwa ang acting ni Cogie, nakipagsabayan siya sa pagganap ni Tito Eddie Garcia, napakaguwapong aktor.
Haharapin ni Cogie Domingo ang kasong isinampa laban sa kanya, aminado ang kanyang amang si Attorney Rod Domingo na ang problemang ito ang itinuturing nitong pinakamatinding asuntong susukat sa kanyang kakayahan, dahil anak nito ang sangkot sa usapin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.