Pinaghahanap ngayon ng mga tropa ng pamahalaan ang isang Malaysian na nasa Pilipinas at humalili umano sa napatay na si Isnilon Hapilon bilang “emir” ng ISIS sa Southeast Asia, ayon sa mga opisyal.
Hinahanap ngayon ang Malaysian na si Amin Baco, matapos ihayag ng pulisya na maaaring siya na ang bagong lider ng ISIS, sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
“We heard the news that he (Baco) could be the successor of Isnilon as the emir of those terrorists… hinahabol pa namin siya, kung mahuli namin siya di mas maganda,” sabi ni Lorenzana sa mga reporter.
“He could be the leader kasi wala namang mas mataas pa sa kanya e…” sabi pa ng defense chief.
Una dito, sinabi ni National Police chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na ibinunyag ni Muhammad Ilham Syahputra, ang Indonesian fighter na naaresto sa Marawi City noong nakaraang linggo, na si Baco na ang namumuno sa mga natitirang kasapi ng Maute-ISIS group sa lungsod.
“According to him (Syahputra) si Amin Baco [ang leader]. Hindi lang ng remaining stragglers dun, kungdi sa buong Southeast Asia,” ani Dela Rosa.
Pinamumunuan umano ni Baco ang di aabot sa 30 straggler, na kinabibilangan ng dalawa pang Indonesian, sa Marawi, anang PNP chief.
Nakatanggap din ang pulisya ng impormasyon na maaaring nakalabas na ng Marawi si Baco, pero ito’y di pa nakukumpirma, ani Dela Rosa.
“Wala kaming balitang nakalabas siya or nandun pa siya, pero ang tingin namin nandun pa siya sa loob,” sabi naman ni Lorenzana.
Sinabi naman ni Armed Forces spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla na mga labi ni Baco ang hinahanap ng mga kawal dahil pinaniniwalaang napatay siya sa isa sa mga pinakahuling engkuwentro sa Marawi.
“Contrary to recent pronouncements by some officials that it (Maute-ISIS group) is now headed by a certain Amin Baco, the AFP strongly believes that the group is now leaderless and without direction. Amin Baco is believed to have been among those killed in Marawi recently. Baco’s remains is now the subject of an ongoing aggressive search,” sabi ni Padilla sa isang kalatas.
Simula pa 2011 ay hinahanap na ng iba-ibang ahensiyang pangseguridad si Baco sa Mindanao.
Dating pinangalanan sa mga police at military report si Baco, na gumagamit ng alyas na “Abu Jihad,” bilang miyembro at bomb maker ng Jemaah Islamiyah regional terrorist network.
Kabilang siya sa mga target ng operasyon ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25, 2015, kung saan napatay ang 44 police commando at kapwa niya Malaysian na si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan.”
Namataan din umano si Baco na kasama ang ilang kasapi ng Abu Sayyaf na na-engkuwentro ng mga sundalo sa Basilan noong Abril 2013 at isa pang sagupaan sa Sulu noong Agosto 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending