Atom sisisid na sa iba’t ibang karagatan ng ‘Philippine Seas’
NGAYONG Linggo, (Nov. 5), mapapanood na si Atom Araullo sa kanyang kauna-unahang dokumentaryo sa GMA Public Affairs—ang Philippine Seas.
Samahan si Atom sa isang natatanging paglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa Luzon, Visayas, at Mindanao para alamin ang estado ng mga ito.
Isa ang Pilipinas sa may pinakamayamang karagatan sa buong mundo. Dito matatagpuan ang ilan sa mga natatanging marine species at coral reefs. Marami sa ating mga kababayan, sa karagatan pa rin patuloy na umaasa. Subalit ang yamang ito ng bansa, nahaharap ngayon sa iba’t ibang mga banta.
“Ang totoo niyan, we take it for granted. Meron tayong napakayamang mga karagatan,” sabi ni Atom.
“Bagamat magaganda itong ang mga lugar na ito, kailangan nating talakayin kung bakit siya mahalaga sa mga buhay ng mga Pilipino.”
“It’s impossible to discuss how beautiful the Philippines is and how beautiful our marine resources are without talking about the challenges [that these marine resources are facing],” lahad ni Atom.
“Kailangan talaga nating buksan ang ating mata sa mga hindi magagandang bagay kung gusto natin siyang solusyunan. Hopefully in this documentary maipakita natin na mas malaki ang ganansya natin kung tayo ay magsasama-sama para pangalagaan ‘yung mga karagatan at masiguro na ma-enjoy pa ito ng future generation,” dagdag ng bagong Kapuso documentarist.
Bibisita si Atom sa Bais, Negros Oriental para siyasatin ang kasalukuyang kalagayan doon ng mga dolphin na dating pinaghuhuli at pinagpapatay subalit pangunahing atraksyon na ngayon ng probinsya.
Ang world-class na sardine run sa Moalboal, Cebu, kung saan maaring mag-dive kapiling ang libu-libong sardinas, nasaksihan din ni Atom.
Samantala, walong taon matapos itong ipasara, kumusta na rin ba ang Mantalip Reef na bahagi ng Tanon Strait na sinira dati ng dynamite fishing?
Malaking bahagi raw ng mga napo-poach na hayop dito sa Pilipinas, tulad ng mga pating at pawikan, ay nagmula sa isla ng Palawan. Paano nga ba pinangangalagaan ng Coast Guard Ronda ng Palawan ang kanilang nasasakupan?
Hahanapin din ni Atom ang maalamat na dugong sa Coron na pinoprotektahan ng mga tribu ng Tagbanua subalit paboritong targetin ng illegal poachers. “Ang dugong kasi critically-endangered species. Kaya para makalapit ka sa isang dugong at makunan mo ng video ay isang pambihirang pagkakaton. So we were very lucky,” aniya.
Pumalaot at sumisid kasama si Atom Araullo at ang award winning team ng GMA Public Affairs sa malalimang pagtalakay sa estado ng ating karagatan sa pagsisimula ng Philippine Seas ngayong Linggo, 3:30 p.m. sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.