MASYADONG mabigat ang magiging kapalit ng naging desisyon ni PBA Commissioner Chito Narvasa hinggil sa palitan ng manlalaro ng Kia Picanto at San Miguel Beer bago ng 2017 Rookie Draft noong Linggo.
Malamang na matigpas ang kanyang ulo at hingin ang kanyang pagbibitiw.
Pito sa 12 member teams ng PBA ang nagpahayag ng disgusto kay Narvasa at malamang na hindi bumoto at magbigay ng confirmation sa kanyang extension. Kasi taun-taon ay nagpupulong ang PBA Board of Governors at binibigyan ng marka ang Commissioner. Kung pasado siya ay patuloy niyang hahawakan ang renda ng liga. At kung bagsak siya ay goodbye na.
Ang kailangan ay walong boto para manatili sa posisyon si Narvasa. Pito na ang ayaw, ibig sabihin ay lima lang ang may gusto ng extension.
Kung titingnang maigi, hindi lang naman ang desisyon sa trade ang dahilan. Tama nanan ang desisyon dahil lahat ng trades ay inaprubahan ni Narvasa at hiniling na baguhin. Iyon ang kanyang ginawa mula nang siya ay umupo. Wala siyang binale-walang trade.
Marami na sigurong mga dahilan. Nagpatong-patong na nga lang.
Siguro, sa mga tunay na observers ang dahilan ay ang patuloy na pagkawala ng mga fans. Kung hindi pa Barangay Ginebra ang umabot sa Finals ng PBA Governors’ Cup, malamang na nilangaw iyon. Mabuti na lang at nakabawi kahit paano ang liga dahil sa napuno ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan kung saan ginanap ang huling tatlong games ng best-of-seven serye na umabot sa sukdulan.
Pero overall, kapag sinuma ang bilang ng mga nanood at ang ratings sa telebisyon, masasabing bagsak ang PBA.
Sa darating na Board meeting sa Los Angeles ay pag-uusapan daw ang procedure ng mga susunod na Draft. Matagal nang dapat naayos iyon.
Pero hindi lang iyon ang dapat pag-usapan upang isalba ang liga. Marami pa.
Paano ba pababalikin ang mga fans? Paano ba magiging mas exciting ang mga laro upang lalong pag-usapan at panoorin? Bakit ba tila kailangang madaliin palagi ang schedules?
Kasi kung araw-araw ang games, wala nang panahon ang mga fans upang mag-ipon ng pampanood. Hindi lang naman basketball ang kanilang inaatupag. Kailangan nilang magtrabaho para bumili ng pagkain, magbayad ng kuryente, bahay, matrikula at iba pa. So, kailangan din ng spacing.
Anong klaseng mga rules ang dapat pairalin? Anong klaseng fouls ang tamang tawagin? Tama ba na madampi lang ang palad ay foul na? Hindi iyon ang gustong mapanood ng mga fans. Gusto ng fans ‘yung may konting gulangan at kaldagan. Parang bumagal na ang laro at nawalan ng excitement.
Palitan man o hindi si Narvasa, hindi lang ang draft ang dapat pagtuunan ng pansin. Lahat!
Kapag hindi nabago ang kalakaran ng mga bagay, hindi pa rin makakabawi ang PBA.
Mabigat ang magiging tungkulin ng Commissioner mula ngayon. Kailangan maayos niya ang lahat ng problema ng liga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.