Medical marijuana sagot nga ba sa iba’t ibang uri ng sakit?
NAKASALANG ngayon sa plenaryo ng Kamara ang panukala na payagan ang paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Ayon kay Isabela Rep. Rodito Albano, ang may-akda ng House bill 180, hindi layunin ng panukala na gawing legal ang pagdadala, paggamit at pagbebenta ng marijuana.
Agad din niyang itinama ang nasa isip ng ilan na pahihithitin ng marijuana ang mga may sakit, at iginiit na ang langis na makukuha sa cannabis ang gagamiting gamot. Hindi rin umano ito nakaka-high kaya walang pakinabang dito ang mga adik.
Sa Amerika, ay i-binibigay ng mga doktor ang medical marijuana sa mga pasyente upang makontrol ang epileptic seizure nito. Nakakapawi rin ito ng sakit na dulot ng sclerosis at arthritis. At ginagamit din ito laban sa mga sintomas ng HIV-AIDS at pampakalma sa mga may malalang kanser.
Kung maisasabatas ang panukala, sinabi ni Albano na maraming pasyente ang matutulu-ngan ng cannabis.
Batay sa 2012 Report ng International Agency fro Research on Cancer, mayroong 98,200 bagong kaso ng kanser sa bansa taon-taon. Umaabot naman sa 59,000 na mga Fi-lipino na namamatay sa kanser kada taon.
Nilinaw ni Albano na ang intensyon ng kanyang panukala ay palawakin lamang ang mapagpipi-liang paraan ng pasyente.
Ayon sa American Cancer Society mayroong mga biologically active components ang marijuana na tinatawag na cannabinoids. Dalawa ang pangunahing component ng marijuana na pinag-aaralan ang delta-9-tetrahydrocannabinol (THC), at cannabidiol (CBD).
Ang THC ay mayroong properties upang mapawi ang pananakit, pagkahilo, pamamaga at isa rin itong antioxidant.
Ang CBD naman ay magagamit ng mga taong may seizure, balisa at paranoia.
Sakit
Ayon sa pag-aaral, ang paggamit ng marijuana ay makatutulong sa pagkahilo at pagsusuka dulot ng cancer chemotherapy.
Lumalabas din sa pag-aaral na ang marijuana ay nakapagpapabagal at nakapapatay ng ilang partikular na cancer cell.
Nakatutulong din ito sa mga taong may neuropathic pain o sakit na dulot ng pagkasira ng mga ugat.
Nakatutulong din ito para lumakas kumain ang isang taong may HIV.
Napatunayan din sa mga pag-aaral na ang mga taong pinagamit ng marijuana sa mga isinagawang clinical trial ay nangailangan ng mas konting pain reliever.
Mayroong iba’t ibang strain ng marijuana plant kaya magkakaiba ang epekto nito sa tao. Mayroong mataas ang THC na siyang nakakapagpa-high at meron din itong mga kemikal na katulad ng sa tabako.
Gamot
Sa Estados Unidos, dalawang gamot na mula sa marijuana compounds ang pinapayagan sa panggagamot.
Ang Dronabinol na mayroong THC at aprubado ng US Food and Drugs Administration at pinapainom sa mga taong nag-chemotherapy para hindi magsuka at sa mga taong may HIV-AIDS upang gumana ang pagkain nito.
At ang Nabilone na isang synthetic cannabinoid na katulad ng THC.
Pinag-aaralan pa ng US agency ang Nabiximols, isa itong mouth spray na ang laman ay kinatas na THC at CBD mula sa halamang marijuana.
Patuloy pa ang ginagawang pag-aaral sa ma-rijuana upang makatulong ito sa mga taong may sakit.
Bagamat nakakatulong, hindi pa sinasabi ng mga siyentipiko na ito na ang gamot sa nakamamatay na kanser.
QUICK FACTS
- Inilibing si Bob Marley kasama ang kanyang gitara, Bibliya at marijuana bud.
- Marijuana ang unang item na ibinenta online ((ARPANET pa ang tawag noon at hindi Internet). Ang nag-deal ay mga estudyante ng Stanford University at Massachusetts Institutes of Technology noong 1971-1972.
- Ang pinakalumang rekord ng paggamit sa marijuana bilang gamot ay noong 2737 BC. Ayon sa Chinese emperor na si Shen Nung, epektibo ang marijuana upang pawiin ang sakit ng rheumatism at gout.
- Agosto 1937 ginawang krimen ng US Congress ang pagkakaroon ng marijuana matapos maisabatas ang Marihuana Tax Act. Makalipas ang isang buwan, ang unang nahuli sa paglabag ay si Samuel Caldwell na nagbenta kay Moses Baca.
- Sa relihiyong Rastafari o Rastafarianism, na nakabase sa Jamaica, gumagamit sila ng marijuana bilang bahagi ng kanilang banal na sakramento.
- Ang Canada ang unang bansa na ginawang legal ang medical marijuana noong 2003.
- Ang Uruguay naman ang naging unang bansa kung saan legal ang pagtatanim, pagbebenta at paninigarilyo ng marijuana. Naipasa ang batas noong 2013.
- Ang California ang unang estado ng Amerika na pumayag sa medical marijuana noong 1996.
Pinatay ang American hip hop artist na si Tupac Shakur sa isang drive by shooting. Ang kanyang labi ay nai-cremate, ang abo nito inihalo sa marijuana ng grupo niyang The Young Outlawz na kanilang pinausok. - Para mamatay ang isang tao sa marijuana overdose, kailangan niyang singhutin ang usok ng 1,500 pounds ng marijuana sa loob ng 15 minuto. (Note: Kung may sakit sa puso mas mabilis ang pagkamatay dahil maaaring pataasin ng marijuana ang heart rate)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.