Panawagan ni Imee: Dalangin para sa mga bayani ng Marawi
MARAMI nang nag-uuwian sa kani-kanilang probinsya para alalahanin ang mga namayapa nilang mahal sa buhay sa Araw ng Undas lalu pa na idineklarang holiday ang Oktubre 31.
At dahil sa nangyari sa Marawi City kung saan umabot sa 165 na mga tropa ng gobyerno ang nasawi sa nangyaring paglusob ng teroristang grupong Maute, mismong si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang nananawagan na isama sa mga panalangin ang mga namatay ng mga sundalo at pulis na nag-alay ng kanilang buhay.
Idinagdag ni Marcos na nakakaantig ng puso ang mga kwento ng mga sundalo na kasama ng mga nasawing tropa ng gobyerno kung saan may ilan na pinili na isakripisyo ang kanilang mga buhay para mailigtas ang mga bihag ng mga terorista o ang kanilang kapwa mga sundalo.
Sinabi ni Imee na napakalaking bagay na ipagdasal ng mga Pinoy ang mga napatay na tropa ng gobyerno.
Ayon pa kay Imee, dapat isabay ang mga nasawing sundalo at pulis sa isasagawang pagtitirik ng kandila para sa ating mga mahal sa buhay.
Nanawagan pa si Marcos na magpahinga muna mula sa away politika ngayong undas at magkaisa para sa pagbibigay ng panalangin para sa mga bayani ng Marawi.
Bagamat malaking hamon para sa mga taga Marawi ang pagbangon matapos ang limang buwang gera kontra sa mga terorista, pighati naman para sa pamilya ng mga tropa ng gobyerno ang pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Hindi biro para sa isang pamilya na malagasan ng mahal sa buhay kayat magiging malaking bagay ang alay na dasal para sa mga sundalo at pulis.
Para naman sa taga Marawi, tuloy ang buhay matapos ang bangungot na dulot ng paglusob ng mga teroristang grupong Maute.
Maaari rin natin nating isama sa ating mga dasal ang mga residente ng Marawi na hindi sila panghinaan ng loob sa kanilang pagbabalik sa kanilang lungsod.
Dahil sa lawak ng pinsala, karamihan ng mga residente ay wala nang babalikang bahay.
Bagamat nangako na ang gobyerno ng tulong para ibangon ang Marawi, mas kailangan naman ng mga apektadong mamamayan ang dasal para tulungan silang magpakatatag sa kanilang pagbangon.
Inabot man ng limang buwan bago napalaya ang Marawi sa kamay ng terorista, nakahinga na ng maluwag ang buong bansa dahil natapos na ang bangungot na dulot ng mga teroristang grupong Maute.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.