HINDI talaga makuntento ang mga Pinoy natin sa abroad sa kanilang pinagkakakitaan.
Kung tutuusin nga, hamak na napakalaki na ng kanilang kinikita kung ikukumpara naman sa parehong trabaho dito sa Pilipinas.
Kung pakikinggan natin ang kanilang mga dahilan kung bakit pa sila rumaraket ay kesyo di raw sapat ang kanilang kinikita para sa pamilya.
Pero, wag ka kamusta naman kaya ang lifestyle nito?
Tiyak na malaki na ang ipinagbago nito. Ang dating simple, hindi na uubra ngayon. Bongga na!
Anu-ano kaya iyon? Dati okay na ang mag-bus o mag-jeep ang kapamilya, ngayon kailangan naka-taxi na. Yung iba ayaw na rin sa taxi, kailangan naka Uber or Grab.
Yung iba magpupursige na makakuha kahit man lang second hand na sasakyan. Siyempre gasolina at maintenance ang gastos non.
Pero pinipilit makaya in the name of new lifestyle.
Ang dating namamasukan na asawa, iiwan na ang trabaho! Dati nasa public school ang mga anak, inilipat sa private. Dati isa lang ang ulam, ngayon dalawa o tatlo na, at may dessert pa!
Madalas na ring magbakasyon, dati isang beses sa isang taon o minsan wala pa nga! Napapadalas din ang pagkain sa labas at pagsa-shopping!
Sino nga ba naman ang hindi kukulangin niyan? Dati rati wala naman kasi ang mga iyon! Kaya ang resulta, kahit malaki na ang kinikita sa abroad at ipinadadala sa Pilipinas, palagi pa ring kulang. Dahil madami ngang dagdag na gastos na puwede naman sanang naiwasan!
At kapag usaping sideline o dagdag kita, hindi pahuhuli diyan ang ating mga kababaihan. Kaya naman sila ang tinutumbok ng sunod-sunod na mga paalalang ipinalabas ngayon ng Hong Kong Immigration Department at ng Konsulado ng Pilipinas na pinag-iingat ang mga OFW natin doon sa pagsali sa mga multi-level marketing o MLM.
Ayon kay Labor Attache Jolly dela Torre, gayong legal ang mga kumpanyang nagsusulong ng MLM sa Pilipinas, ngunit hindi maaaring maging bahagi nito ang ating mga domestic workers doon dahil maaaring makasuhan sila ng “Breach of Condition of Stay” sa Hong Kong.
Labag sa batas ng HK ang magkaroon ng part-time job ang mga foreign workers doon kasama na ang mga OFW kahit sabihin pang online-job pa ang mga iyon.
Kapag MLM kasi, kinakailangang patuloy na mag-recruit ang mga miyembro nito ng bago pang mga miyembro at maraming oras din ang kanilang gugugulin dito.
Ilang mga kumpanya din ang gumagamit ng social media at pawang mga OFW ang target nila. Kasabay ng pangakong malaking kita, magandang pay-out ‘anya kung makakapag-recruit pa sila ng maraming OFW. Pero bawal nga iyon kaya dapat nang tigilan ito ng ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.