Kahit may hinanakit, WILLIE hinarap ang kasong child abuse na isinampa ng DSWD
Nu’ng nakaraang Biyernes ng hapon ay maagang nagpaalam sa kanyang programa si Willie Revillame. Pansamantalang naiwan sa Wowowillie si Randy Santiago at ang iba pa niyang mga co-hosts dahil dumalo siya sa unang hearing ng kasong isinampa laban sa kanya ng DSWD.
Ito pa rin ang isyu dalawang taon na ang nakararaan, ang seksing pagsayaw ng batang si Jan-Jan Suan sa kanyang programa na binatikos ng kung ano-anong sektor, kasama na ang ahensiya ng DSWD at kinasuhan nga nito si Willie ng RA 7610 o Child Abuse Law.
Sabi ni Willie sa kanyang show nu’ng nakaraang Biyernes, “Ito pa rin po ‘yung pagsayaw ng batang si Jan-Jan dito sa ating show two years ago. Ang totoo po, dahil sa sobrang pagkakaladkad sa buhay ng pamilya, tinutulungan sila ng aming show.
“Ikinuha namin sila ng house and lot, may monthly allowance sila mula sa amin, binigyan din namin ng negosyo ang ama ni Jan-Jan, nagpatayo siya ng parlor.
“Sa sobrang hiya at awa sa pamilya, hindi namin sila pinabayaan, tinulungan namin ang pamilya ni Jan-Jan, hiyang-hiya kami dahil nabulabog ang tahimik na pamilya nila nang dahil sa kung ano-anong interpretation na ibinigay ng mga tao sa ginawa niyang pagsayaw sa show nang umiiyak ang bata,” mahabang paliwanag ng host ng Wowowillie.
Nakakalungkot lang na may panahon ang iba’t ibang sektor sa mga problemang pang-showbiz, pati ang mga personalidad na napapabalitang sinasaktan ng kanilang karelasyon ay handang tulungan ng DSWD, samantalang napakaraming isyung dapat nilang mas tutukan at resolbahan.
Sa araw-araw nating pagbibiyahe ay nakikita natin ang mga batang nanglilimos, karga-karga ng isang limang taong-gulang na bata ang isang sanggol, palaboy-laboy sila sa mga kalye ng buong siyudad. Bakit hindi ang mga menor de edad na batang ‘yun ang kanilang asikasuhin, ang mga batang-hamog sa kalye na walang inuuwian, sila ang higit na nangangailangan ng pag-ayuda ng mga ahensiya ng ating gobyerno.
Salamat sa malasakit sa mga taga-showbiz, pero higit na nangangailangan ng pagpansin-suporta ang mga menor de edad sa kalsada, ‘yun sana ang mas bigyan ng prayoridad ng DSWD at ng iba pang ahensiya ng gobyerno ni Juan dela Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.